CAVITE – NAPUTOL ang kanang kamay ng isang 25-anyos na siklista matapos maipit sa nagkarambolang baby bus at isa pang regular bus sa Brgy. Magdiwang, Noveleta kahapon, Disyembre 10, 2024 ganap na alas-8:30 ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Gerard Giron, residente ng Brgy. Ligtong-I, Rosario.
Ang iba panf nadamay ay sina Nicolas Baja Jr., 62 taong gulang, residente ng Brgy. San Juan, Noveleta Cavite, isang tricycle driver; Ronnie Regino, 35 anyos, residente ng Brgy. Salcedo II, Noveleta Cavite, isang tricycle driver; at Roy Ibañez, 52 anyos, residente ng Tanza Cavite.
Habang ang driver ng babybus na kinilala na si Felizardo Zabal Ibiaz Jr, 61 taong gulang, residente ng Brgy. Ligtong III, Rosario, Cavite.
Ayon sa imbestigasyon ng kapulisan, papuntang Kawit sana ang babybus na may plate number DXR 128 na minamaneho ni Ibiaz ng mawalan ito ng preno. Dahilan para mabangga nito ang minamaneho ni Ibañez na Saint Anthony Transport Bus na may plate number NAO 977B at maipit naman ang bisikletang minamaneho ni Giron dahilan para maputol ang kanang kamay nito.
Bumangga rin ang naturang babybus sa dalawang tricycle na nakaparada lamang ng oras na iyon.
Agad sinugod sa Saint Martin Hospital sa Noveleta Cavite ang biktimang si Giron subalit inilipat din sa Orthopedic Hospital para sa agarang medikal na solusyon. Papasok na sana sa trabaho si Giron ng mangyari ang aksidente.
Mahaharap ang driver ng babybus sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Serious Physical Injury and Multiple Damage to Property.
SID SAMANIEGO