PATAY ang isang 23-anyos na siklista samantalang sugatan naman ang kanyang kasamahan matapos tumbukin ng isang van nitong Miyerkules sa Pasay City.
Dead on the spot ang biktima na kinilalang si John Paolo Santos, residente ng Barangay Julo, Mandaluyong City, habang naisugod naman sa pinakamalapit na ospital ang hindi pa nakilalang kasamahan nito upang gamutin sa kanyang tinamong sugat sa katawan.
Kinilala ng Pasay City police Traffic Division ang driver-suspect ng killer van na si Clark Magdales Malasaga, 18-anyos, estudyante at residente ng No. 4109 22 De Mayo, Baclaran, Parañaque City.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente dakong alas-8 ng umaga sa kahabaan ng Seaside Road panulukan ng Bayshore, SM MOA Complex, Pasay City.
Napag-alaman sa pulisya na bago maganap ang aksidente ay nagpapahinga sa sidewalk ng nabanggit na lugar si Santos kasama ang isa pang siklista nang biglang rumagasa ang isang Toyota Grandia na may plakang NAN-7253 na minamaneho ni Malasaga.
Hindi nakontrol ni Malasaga ang manibela ng kanyang sasakyan at tinumbok ang mga biktima na naging sanhi ng agarang kamatayan ni Santos. MARIVIC FERNANDEZ