RAMDAM na ng isang may-ari ng karinderya sa Legaspi City ang anghang ng halos nagtripleng presyo ng siling labuyo na pangunahing sangkap sa kanyang mga putahe.
Dati-rati, binabalik-balikan ng mga kustomer sa eatery ni Dads Nicerio ang anghang ng ibinebenta niyang Bicol express at pinangat.
Ayon sa mga nagtitinda, tumaas na sa P800 kada kilo ang siling labuyo sa mga palengke.
Anila, kulang na kasi ang suplay at galing pa ito sa Metro Manila.
“Halos triple na pero wala naman tayong magagawa. Wala tayong pananim,” ayon sa isang vendor.
Kaya ang may-ari ng karinderya na si Nicerio ay nakipagbalyahan pa sa palengke makakuha lang ng 1/4 kilo ng siling labuyo para may maihain sa mga kustomer.
“Sobrang apektado talaga,” aniya.
Ayon naman sa paliwanag ni municipal agriculturist Dan Alejandro, halos walang magsasaka na nagtatanim ng sili sa Albay tuwing ganitong panahon.
Kung hindi raw kasi ito masisira ng ulan, inaatake naman ito ng mga peste.
“Ang parating nangyayari dito nagkakaroon sila ng anthrax nose, tapos ‘yung isa pa ‘yung panahon may bagyo,” ani Alejandro.
Mismong ang Provincial Agriculture Office ang nag-abiso sa mga magsasaka na huwag magtanim ng sili.
“Kasi ang sili ay sun loving, hindi po talaga siya magta-thrive sa maulan,” sabi ni Albay provincial agriculturist Che Rebeta.
Panawagan naman ng mga tulad ni Nicerio, sana ay manumbalik na sa normal ang presyo ng labuyo na ikinabubuhay nila.
Comments are closed.