KUMUSTA po kayo? Salamat sa Diyos for today. Nangako ako na may mga kakapanayamin tayo na maaaring mapagkuhanan natin ng idea tungkol sa kanilang industriya at makapagbigay sa atin ng inspirasyon lalo na kung ang ginagawa nila ay nais din nating gawin, pangkabuhayan man o pansariling fulfillment lang.
Kaya nang makilala ko si Ma. Flores Isler, isang manunulat, na-curious ako at nagdesisyong kapanayamin sya para masilip ko rin ang mundo nila at ng iba na maaaring may hilig din sa pagsusulat. Narito ang aking panayam sa kanya:
GM: Sino si Ma. Flores Isler?
MFI : Isang simpleng tao na nangarap maging writer, bagaman imposible kong matupad noon, ginawa ko lahat ng aking makakaya upang makapagsulat ng novel/libro at sa awa ng Diyos nagkaroon ng katuparan. Isa rin akong maybahay na biniyayaan ng tatlong anak. Nakapagtapos ng kursong Business Administration at pinalad na makapagtrabaho rito sa Dubai, ngunit ipinagpatuloy pa rin ang aking pagsusulat at pagsuporta sa advocacy ng self-empowerment kaya nabuo ang libro kong You are Beautiful na isang inspirational book.
GM: Isa kang Novel Writer, paano mo hinasa ang iyong sarili para maging manunulat?
MFI: Wala akong naging pormal na training, mas bunga ng masidhing hangarin ko na gawin ang isang bagay kaya ako naging manunulat, kaysa sa talento. Karamihan kasi sa atin, may gusto tayong gawin, pero hanggang gusto lang, wala tayong ginagawang hakbang para ito ay tuparin. Sa akin, ginusto at ginawa ko ang lahat para matupad. Kasi kahit din may talento tayo, kung hindi rin natin gagawin ang dapat nating gawin, wala ring mangyayari. Sabi ko nga, “talent comes with a price,” kung hindi mo kayang bayaran ang halaga ng talento mo, magkakautang ka lang sa Panginoon na S’yang nagbigay sa’yo nito. At ano ang ‘price’ na sinasabi ko? ‘Yun ‘yung tiyaga, mahabang pasensiya, dedikasyon at pagsusumikap mo sa kabila ng lahat ng hirap at pagsubok mo.
GM: Kumusta ang income ng isang manunulat ng nobela?
MFI: Kung under ka ng publisher at constant kang nagsusulat o focused ka sa pagsusulat mo, kikita ka naman dito, altho’ depende sa na-approve mong story. Puwede rin na ikaw na mismo ang mag-publish ng book mo, para ikaw ang may copyright ng iyong libro, pero kailangan mong mamuhunan. Ang determinasyon at sipag mo ang susukat sa kikitain mo, maaring magbigay ito sa’yo ng malaking pera o puwedeng hindi ka rin matustusan. Kaya ang payo ko, kailangan ay mayroon kang ibang source of income, lalo na at ang reward ng pagsusulat, kadalasan ay laging nasa huli, hindi mo siya agad-agad maaasahan, para kang nagtatanim ng puno na kailangan mo muna siyang alagaan at palakihin bago mo anihin ang bunga nito.
GM: Ano ang panukala mo para doon sa mga gustong maging manunulat din?
MFI: “Your determination and hardwork will measure your success.” Ang pagiging manunulat ay bokasyon na gagawin mo kahit lubos kang mahirapan, o hindi man kumita ng malaking pera. Ang pagsusulat lalo na sa larangan na pinili ko ay pagbabahagi ng mga karanasan na kapupulutan ng aral ng iba upang mapabuti ang buhay nila. ‘Yung makatulong kang magbigay kahit kaunting liwanag sa mga nawawalan na ng pag-asa at itinuturing nang walang silbi ang buhay. Kaya kung gusto mong magsulat, tanungin mong mabuti ang sarili mo kung ano ang purpose ng isusulat mo? Kasi hindi rin ito madali, tanging determinasyon at sensiredad mo na gawin ito ang magiging susi upang ikaw ay maging ganap na manunulat.
GM: From Romance Novels, ngayon inspirational book, ano ang nag-inspire sa’yo to write “You Are Beautiful”?
MFI: Isa akong OFW at sa naging buhay ko sa abroad, marami akong natuklasang mga realidad ng buhay na dati ay hindi ko alam na totoo palang nangyayari. Mahilig din akong magbasa lalo inspirational books noon, at malaking tulong ‘yung mga nabasa kong libro para malampasan ang mga pagsubok ko rito sa abroad, kung hindi ako well-read person, mahina ang loob ko at malamang sumuko na rin ako sa mga hirap na dinaanan ko. Kaya ipinangako ko sa sarili ko na gagawa rin ako ng sarili kong inspirational book para makatulong din ako sa iba, tulad ng pagtulong sa akin ng mga librong nabasa ko. Kasi gano’n naman tayo eh, ‘pag may naranasan tayong hirap, hanggang maaari ayaw na natin maranasan pa ‘yun ng ating kapwa, tama nang sa atin ‘yun nangyari at matuto na lang ang iba sa atin.
GM: Tungkol saan ang iniakda mong librong “You are Beautiful”?
MFI:Ang librong ito ay tungkol sa Self-Empowerment, ito ay mga totoong karanasan ko at ng ibang tao na magtuturo ng mga sources of self-empowerment. Para sa akin, napakahalaga ng self-empowerment para ma-overcome mo lahat ng trials mo, kung hindi mo tuturuan ang sarili mo how to be empowered, hindi ka maggo-grow as a person, hindi lalawak ang pang-unawa mo at lalong hindi ka magiging malakas emotionally and mentally para labanan lahat ng mga pagsubok mo. Eto ang mga matututunan ng mga magbabasa ng libro, kung paano nila matuturuan ang sarili nila ng self-empowerment sa mga paraang simpleng gawin at intindihin dahil lahat ay ibinase ko sa mga totoong karanasan at mga pangyayari sa buhay.
GM: Mga bagay tungkol sa karahasan sa kababaihan at kabataan ang isa mga pangunahin mong tinalakay sa librong ito, anong personal na karanasan mo ang nag udyok sa’yo to talk about this?
MFI: Mayroon akong naging karanasan noon dito sa abroad na hindi ko akalain mangyayari sa akin pero nangyari, hindi ko ito makakalimutan, sobrang punom-puno ng drama at luha ‘yung karanasan kong iyon, dumating ako sa punto na daig ko pa ang minaltrato nang husto, hindi sa sinaktan ako physically but emotionally bugbog sarado ako, para akong tinadtad ng pinong-pino, at sa tindi nga ng naranasan kong pang-aapi, naisipan kong kitlin ang sarili kong buhay, na mabuti na lang hindi ko ginawa. Gusto kong maging inspirasyon din ng iba na huwag basta-basta sumuko kahit anong hirap ng pagsubok na kinakaharap dahil lagi talagang may pag-asa, kahit gaano pa kadilim ang paligid mo, dadating din ang liwanag.
GM: Paano makatutulong sa mga makakabasa ang librong ito?
MFI: Makatutulong ito nang malaki, lalo na kung may mahirap na pinagdadaanan ang nagbabasa. Lahat tayo ay may mga krus na pinapasan, hindi lahat ng oras kaya nating pasanin ang ating krus, kailangan natin ng tulong ng iba. ‘Yung mga problema natin, minsan hindi natin mahanap ang solusyon dahil nahihiya tayong humingi ng payo o tulong sa ating mga kaibigan o kapamilya, lalo na kung napakapribado mong tao. Dahil hindi mo rin naman minsan lahat ilalahad sa kanila ang buong katotohanan, kadalasan sasabihin mo lang ang gusto mong ipaalam sa kanila, kaya hindi ka mabibigyan ng sapat na payo o solusyon dahil kulang din ang ibinigay mong impormasyon. Pero sa libro, tinulungan ka ng iba pero buo pa rin ang privacy mo, lalo na at minsan, mayroon talaga tayong problema na gusto lang natin sarilinin. Ito ang kaibahan kung ikaw na mismo ang nagbabasa ng inspirational book, ikaw na lang ang pupulot ng aral na angkop sa pinagdadaanan mo, doon ka na lang magkakaroon ng ideya o lakas ng loob paano labanan ang mga hamon mo sa buhay at mamalayan mo na lang sa sarili mo na kaya mo naman palang lampasan ang mga pagsubok mo.
GM: Ang sigaw sa iyong mga poster “buy a book, save a life”, bakit?
MFI: Ang book ko ay may double pupose, una, magbigay inspirasyon at gabay sa mga nagbabasa ng mga real and practical sources of self-empowerment. Pangalawa, para makalikom ng pondo upang makatulong sa mga biktima ng karahasan lalo na ang mga kabataan at kababaihan. Para sa akin, human obligation natin ang tumulong sa iba, sa paraang kaya natin o kung anuman ang magagawa natin kahit maliit pa iyan o malaking tulong, magiging daan din iyan para may mabago o maisalbang buhay.
GM: Sa mga gustong makabili ng libro paano?
MFI: Available ang book ko sa www.amazon.com both e-book and paperback. Kung dito naman sa UAE puwede rin makabili sa akin nang direkta ng libro, maaari akong i-message sa FB page ko- Flores Isler o sa website ko- www.floresisler.com, sa Filipinas naman, magiging available ang book ko by January next year, maaari silang tumawag sa CP No. 09276266179 para sa mga karagdagang detalye.
The temptations in your life are no different from what others experience. And God is faithful. He will not allow the temptation to be more than you can stand. When you are tempted, He will show you a way out so that you can endure (1 Corinthians 10:13, NLT)
oOo
Si Glady Mabini ay isang Broadcast Journalist at Motivational Speaker na may iba’t ibang programa sa radyo. Ang mga programang ito ay puwede rin ninyong masundan sa kanyang YouTube Channel na Glady Mabini. Para sa mga paksa na gusto ninyong kanyang matalakay sa kolum na ito, ipadala lamang sa kanyang official FB page: Glady Mabini.
Comments are closed.