SILIPIN ANG UGAT NG MGA PAGGUHO NG LUPA

HINDI lamang malawakang pagbaha ang idinudulot ng mga bagyong pumapasok sa bansa kundi pati landslides.

Kapag may mga ganitong pangyayari, hindi madaanan ng sasakyan ang mga kalsada dahil sa naguhong lupa.

Hindi naman maitatanggi na kalbo na ang mga gubat.

Naubos na ang mga kahoy dahil sa illegal logging, pagkakaingin, at iba pa.

Guguho at aagos ang putik kapag wala nang kinakapitan ang lupa sa mga bundok.

Kaya sa pag-ulan, bumibigay ang lupa at inililibing nang buhay ang mga naninirahan sa paanan ng bundok.

Nariyan din ang illegal quarrying na bunga ng pagkagahaman ng mga kompanyang nagku-quarry.

Sila ang dahilan kaya nasisira, nawawasak ang mga ilog at bumababaw.

Mabilis nang umaapaw ang mga ilog at natatangay tuloy ang mga bahay na nasa pampang.

Kung minsan, kagagawan din naman ng tao ang mga mapamuksang pangyayari tulad ng pamumutol ng mga puno.

Nawawalan ng mga ugat na kumakapit sa lupa kaya mahina at nagkakaroon ng soil erosion.

Pinatutugunan na rin naman ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Science and Technology (DOST) ang pagkasira ng lupa, tiyakin ang food security at pagandahin ang kita ng mga magsasaka.

Sa 1st National Soil Health Summit sa Diamond Hotel sa Maynila, sinabi ni PBBM na mahalagang masolusyunan ang lumalawak na problema sa lupa sa bansa tulad ng degradation, acidification, at polusyon.

Aba’y sobrang apektado raw ang mga sakahan sa bansa.

Mismong si Pang. Marcos ang nagsabi na ini-report ng DENR na 75 porsiyento ng kabuuang cropland o taniman ay vulnerable o lantad sa soil erosion.

Ito raw ang dahilan kaya nagdudulot ito ng humigit-kumulang 457 milyong toneladang pagkalugi sa taon-taon.

Ayon kay PBBM, importante ang pagtutulungan ng iba’t ibang stakeholders upang maiwasan ang hinaharap na krisis.

Maituturing daw kasi na banta ito sa national food security.

Angkop na pagkakataon daw ang summit na iyon para sa lahat upang magtulungan, ibahagi ang kaalaman, at karanasan para mapabuti ang lupa at mapalakas ang produksiyon.

Sabi nga ng Presidente, habang isinusulong ang pagpapanatili at pangangalaga sa kapaligiran, dapat ding ilatag ang pagbabahagi ng impormasyon at pagpapahusay ng mga programa na may kaugnayan sa kalusugan ng lupa at sustainable soil use para sa kapakinabangan ng mga susunod na henerasyon.

May inilatag ding 5-point priority agenda ang Marcos admin na may kinalaman sa pamamahala ng lupa at tubig kung saan naka-angkla rito ang National Soil Health Program at Sustainable Land Management.

Sa palagay ko naman, dapat magtuloy-tuloy ang malawakang pagtatanim ng mga puno sa bundok at gubat at ipagbawal ang quarrying at illegal logging.

Namemeligrong maulit pa ang mga trahedya hangga’t walang matinding batas na nagbabawal sa mga lugar na posibleng gumuho ang lupa sa panahon ng bagyo o kalamidad.

Natatandaan ko pa na nagkaroon noon ng panukala na layong ipagbawal ang pagtira sa mga pampang ng ilog, sapa, at mga estero.

Gayunman, tila hanggang panukala lang talaga ang lahat.

Saka nagpapakitang gilas ang mga mambabatas para lumikha kuno ng batas kapag may nangyari nang kalamidad o trahedya.

Ang aksiyon, hindi dapat ningas-kugon.