SIM CARD REGISTRATION ACT BATAS NA

NILAGDAAN na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 11934 o ang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act na naglalayong maisulong ang responsableng paggamit ng SIM cards at makatulong sa law enforcers na matunton ang mga ma- sasamang loob na sangkot sa text scams.

Ang ceremonial signing ay ginawa sa Malacanang at dinaluhan nina Vice President Sara Duterte-Carpio; Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker Martin Romualdez, Executive Secretary Lucas Bersamin, at Ilocos Norte Representative Sandro Marcos na isa sa mga may-akda ng panukala at iba pang mga opisyal.

Sa ilalim ng batas, ang lahat ng public telecommunications entities (PTEs) o direct sellers ay kinakailangang iparehistro ang kanilang ginagamit na SIM card at para makapagparehisto ay dapat magpakita ng valid identification document na may larawan.

Anumang impormasyon na nasa SIM card registration ay tiniyak na confidential maliban lang kung pinahintulutan ng subscriber na ma-access ang kanyang impormasyon.

Inaatasan din ng batas ang telco firms na ilagay ang buo at kumplentong pangalan ng owner ng SIM card kapag may inilabas na subpoena o order mula sa korte.

Ang mga law enforcement agency na magsasagawa ng pagsisiyasat kapag nagawa ang krimen dahil sa cellphones ay dapat magsumite ng written request sa telco firms para matunton kung sino ang SIM card holder.

Ang paglagda ni Pangulong Marcos ay makapagpapalakas sa inisyatibo ng pamahalaan laban sa scams na gumagamit ng text at online messages na nagiging talamak ngayong taon.

“Indeed, with the signing of this law, we set the important tone that it is our national policy to ensure that technology shall only be used to improve our people’s lives,”bahagi pa ng talumpati ng Pangulong Marcos.

Suportado naman ng Globe Telecom Inc. at Smart Communications Inc. ang SIM card registration at tiniyak na tutulong sa pamahalaan para mapigil ang krimen dahil sa paggamit ng cellphones at internet.

“We support the passage of this measure after previous roadblocks and we are ready to comply,” ayon kay Globe Group general counsel Froilan Castelo.

“We are ready to participate in the crafting of the bill’s implementing rules and regulations (IRR) within the prescribed period” sabi naman ni Atty. Roy Ibay, Smart VP and head of Regulatory Affairs.

Ang bersyon sa Kamara de Representantes ay inisponsoran nina Romualdez, Sandro Marcos at Tingog party-list Representative Yedda Marie Romualdez bilang co-authors (House Bill No. 14).

Sa Senado, ang hakbang ay inisponsoran nina Zubiri, Grace Poe, Win Gatchalian, Joel Villanueva, Ronald Dela Rosa, Joseph Victor Ejercito, Jinggoy Ejercito, Cynthia Villar, Nancy Binay, Christopher Lawrence Go, Francis Tolentino, Imee Marcos, Ramon Bong Revilla, Jr., at Pia Cayetano (Senate Bill No. 1310).

EVELYN QUIROZ