SIM CARD REGISTRATION BILL (Niratipikahan na ng Senado)

MALAPIT nang maging batas ang isang panukala na susugpo sa panlilinlang at iba pang krimen gamit ang subscriber identity module (SIM).

Ito’y makaraang ratipikahan ng Senado noong Miyerkoles, Pebrero 2, ang bicameral conference report sa mga pinagtagpong probisyon ng Senate Bill No. 2395 at House Bill No. 5793, o ang panukalang SIM Card Registration Act.

Ayon kay Sen. Grace Poe, chairman ng public services committee, napagkasunduan ng mga kasamahan niya sa bicam ang ilang magkakasalungat na probisyon ng dalawang legislative proposal.

“Napagkasunduan sa bicameral conference committee na gamitin ang bersiyon ng Kamara bilang working draft subalit mas ginamit ang maraming probisyon ng Senado,” pahayag ni Poe sa kanyang ulat sa hybrid plenary session.

Ilan sa mga napagkasunduan sa bicameral panel, ayon kay Poe, ay ang mandato na lahat ng public telecommunications entities (PTEs) ay inoobligang magparehistro ng SIM cards bilang prerequisite sa kanilang pagbebenta at activation.

Bukod dito, nakasaad din sa bicam report na lahat ng social media network ay dapat  hingan ng tunay na pangalan at phone number ng mga user sa pagbuo ng account.

Lahat ng umiiral na SIM card subscribers na may active service ay kailangang magparehistro sa loob ng 180 araw mula sa pagiging aktibo ng naturang batas.

Ang PTEs ay pinahihintulutang mag-deactivate ng SIM card numbers na hindi narehistro sa loob ng itinakdang panahon.

Sinabi ni Poe na nilinaw ng mga mambabatas na pinapayagan din ang pagbenta ng SIM cards sa mga dayuhan basta sumusunod sila sa ilang requirements tulad ng passport at pruweba ng kanilang address sa Pilipinas.

Ang mga datos na nakolekta  mula sa pagpaparehistro ay ipapasa at itatago ng PTE sa isang centralized database na magsisilbing rehistro para sa proseso, activation o deactivation ng subscription at hindi dapat gamitin sa anumang layunin.

“Anumang impormasyon na makukuha sa registration process ay hindi maaaring ibunyag sa sinuman maliban na lang kung pagsunod sa anumang batas na nag-aatas sa pagbunyag nito, tulad ng Data Privacy Act’; o pagsunod sa court order o anumang legal process; o written consent ng subscriber. Hindi pinapayagan ang waiver of absolute confidentiality,” pagtitiyak ni Poe.

Idinagdag din ng bicameral conference committee ang isang mahalagang probisyong nag-aatas sa PTEs at social media providers na itago ang mga makabuluhang datos at impormasyon sa loob ng 10 taon mula sa panahon na nag-deactivate ang end-user ng kanyang mobile number o social media account.

“Umaasa kami na sa pamamagitan nito, masasawata na ang mga mobile phone, internet o electronic communication-aided criminal activity. Inaasahan nating magkakaroon ng mas ligtas na mobile use at cyberspace sa ating bansa,” dagdag ni Poe. LIZA SORIANO