ISANG taon nang epektibo ang SIM Card Registration Act o ang batas na lahat ng SIM card ay dapat nakarehistro.
Noong isang taon atubili pa ang ilan na iparehistro ang kanilang SIM card sa pangambang kumalat ang kanilang information details.
Ngunit giit ng pamahalaan, ang layunin ng SIM Card Registration Act ay pangalagaan ang publiko laban sa mga pambubudol gamit ang text messaging.
Maganda naman talaga ang isinasaad ng batas at unang layunin nito ay proteksyon hindi lamang laban sa text scams kundi pati na rin sa mga bank transactions.
Ang problema, isang taon na ang nakalilipas, mayroon pa ring nabibiktima ng panloloko ng text scam.
Maaaring ang isa sa malinaw na nangyayari ngayon ay maraming nade-detect ang Presidential Anti-Organized Crime Commission na scam hubs na posibleng epekto rin ng nasabing batas.
Pero ang nakalulungkot, palawak nang palawak pa ang mga operasyon.
Na isang malinaw na resulta, dumami ang scamming o kaya naman bigyan ng benefit of the doubt, dumami ang operasyon dahil agad natutukoy ang mga panloloko.
Hindi maikakaila na mula nang maging epektibo ang batas, sunod-sunod na ang operasyon at napuntirya ang mga pasilidad.
Sa ngayon, pinag-iisipan ang pag-amyenda sa batas kung saan lilimitahan ang ownership ng SIM.
Subalit sinabi ng isang grupo na hindi pa rin ito makakatulong dahil ngayong natuklasan na nagpapatuloy ang scamming gamit ang SIM, ang dapat umanong gawin ng pamahalaan ay itatag ang inter-agency kung saan kasama ang iba’t ibang law enforcement agencies kasama ang PAOCC, Philippine National Police, Department of Interior and Local Government, PAGCOR, DICT at iba pa.
Sa ngayon, ang tanging magagawa ng pamahalaan ay habulin ang mga nanloko, sindikato ng scammer at pananagutin.
Kapag wala nang ulat na naloko dahil sa identity theft gamit ng online, masasabi nang tagumpay ang nasabing batas.