SIMBAHAN AAYUDA SA MGA NAAPEKTUHAN NG GAMING OPERATIONS SHUTDOWN

Balanga Bishop Ruperto Santos-2

TINIYAK ng Simbahang Katolika na tutulungan nito ang mga kapus palad sa mga probinsiya at pamayanan na manga­ngailangan ng ayuda tulad ng pagpapagamot na kadalasang inilalapit sa Philippine Charity Sweepstakes Office kasunod ng pag-uutos na ipasara ang mga gaming operation nito sa buong bansa.

Ayon kay Balanga Bishop Rupert Santos, kasabay ng pagpatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte sa operasyon ng mga gaming scheme ng PCSO na pangunahing pinagkukuhanan ng pondo ng ahensiya para sa mga social services sa publiko, ay hindi magdadalawang isip ang Simbahan ng magbigay ayuda sa sinumang mangangailangan ng tulong higit lalo sa pagpapaospital ng kanilang mga kaanak.

“The Church is always there, always available for the poor,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.

Sinabi ni Bishop Santos na sa pagpatigil ng gaming scheme ng PCSO ay paiigtingin ng Simbahan ang mga programang makatutulong sa mahihirap na mamamayan sa bansa.

Ayon sa Obispo, ang bisyo ng pagsusugal ay nagiging ugat ng krimen at korupsiyon sa lipunan kaya’t mahalagang maiwasan ito ng tao bago tuluyang magumon sa pagbibisyo.

“It is very inspiring and encouraging decision of the President to cancel, stop Lotto outlets. All are winners, better future is secured, and morality is uphold,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.

Matatandaan na nitong Hulyo 25 nang ipi­nag-utos ni Pangulong Duterte ang pagpapatigil sa lahat ng gaming schemes ng PCSO dahil sa sinasabing matinding katiwalian ng ahensiya na kinasasangkutan ng iba’t ibang opisyal.

Hinimok naman ng Malakanyang ang mga Filipinong humihingi ng tulong medikal sa PCSO na sumulat sa Office of the President upang matugunan ng gobyerno ang kanilang pangangaila­ngan.

Umaasa si Bishop Santos na ipagpatuloy ni Pangulong Duterte ang mga hakbang sa pagpigil ng korupsiyon sa lipunan para sa kapakanan ng mga Filipino.

Samantala, sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na posibleng matagalan pa ang muling pagbubukas ng operasyon ng lotto at small town lottery (STL).

Sinabi ni Guevarra na kailangang matapos ang imbestigasyon ng NBI hinggil sa mga anomalya sa operasyon ng PCSO licensed gaming operators lalo na’t hindi nagre-remit ng tamang share sa gobyerno at ang posibleng pagkakasangkot ng mga tiwaling opisyal at kawani ng PCSO.

Nilinaw ni Guevarra na may kapangyarihan ang Pangulong Duterte na suspendihin at tuluyang ihinto ang PCSO licensed gaming operations kapag napatunayang hindi sumusunod sa kanilang obligasyon ang mga lisens­ya­dong gaming operators. PAUL ROLDAN

Comments are closed.