SIMBAHAN AT PULISYA KAPIT-BISIG SA KAAYUSAN NG HALALAN

SIMBAHAN AT PULISYA

MAGKAKAPIT-BISIG ang simbahan at kapulisan para matiyak ang kaayusan ng nalalapit na midterm elections.

Nabatid na nakipagpulong ang ilang mga kinatawan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, Sangguniang Laiko ng Filipinas at Parish Pastoral Council for Responsible Voting sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) upang talakayin ang mga paghahanda para sa naturang halalan na idaraos sa May 13.

Pinangunahan ni Rev. Father Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, ang pagtitipon na tumutok sa pagtutulungan ng Simbahan at ang pambansang pulisya para tiyakin ang malinis at maayos na midterm elec-tions.

Ayon kay P/MGen Benigno Durana Jr., head ng PNP Directorate for Police Community Relations (DPCR), bukod sa halalan ay natalakay rin sa pulong kung papaano ganap na maipatutupad ng PNP ang programang Ugnayan ng Simbahan at Pulis (USAP).

Layunin ng USAP na magkaroon ng matibay na ugnayan ang mga awtoridad at mga opisyal ng Simbahan hindi lamang ng mga Kristiyano’t Katoliko kundi maging sa iba pang mga denominasyon.

“The Philippine National Police sought out an audience with the CBCP, specifically to brief CBCP on our election preparations that’s one, and another one is that we want to progress our initial talks with the CBCP headed by the Chief PNP on areas where the church and the police can futher collaborate,” pahayag ni Durana.

Inaasahan naman ang pagkakaroon ng maayos na relasyon at pagtutulungan ng mga pulis at mga church volunteers partikular na ang PPCRV upang matiyak na masusunod ng mga botante ang panuntunan sa mismong araw ng halalan.

“Yung the coming exercise ng National and Local Elections we believe that the church can do so much not only the church but also the attach agency like the PPCRV can do so much to help this country attain a honest, orderly and peaceful election.” dagdag pahayag ni Durana.

Humingi rin naman ang pamunuan ng PNP ng pana­langin at suporta ng Simbahan hindi lamang bilang paggabay sa lahat ng mga pulis na maitatalaga para bantayan ang nakatakdang halalan kundi para na rin mismo sa pangkabuuang kapayapaan at kaayusan ng halalan.

Nilinaw naman ni Durana na walang anumang impormasyon o banta na natatanggap ang PNP kaugnay sa seguridad sa nakatakdang halalan.      ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.