PINANGUNAHAN nina Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula at Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David ang isang misa sa Redemptorist church sa Baclaran.
Layunin ng misa ang isulong ang pagkakaisa tungo sa mahusay na pagpili nang mga susunod na lider ng bansa sa Eleksyon 2022.
Sa kanyang homiliya, ipinahayag ni Bishop David na maaaring matagal nang hindi nagagampanan ng kaparian ang obligasyon nito sa paggabay sa mga mananampalataya kayat iba na ang pananaw nila sa pulitika.
Nilinaw ng lider ng CBCP na mas madaling sabihin kung sino ang dapat iboto kaysa ituro kung paano pipili ng kandidato ang isang Kristiyano.
Gayunman, mas pinipili aniya ng mga pari ang mas mabusising paraan sa paggabay bilang paggalang sa konsensiya ng bawat indibidwal.
Pagbibigay diin pa ng Obispo na hindi dapat ituring na kaaway ang sinuman dahil lamang sa pagkakaiba ng paniniwala sa eleksiyon. Jeff Gallos