SIMBAHAN HINAGISAN NG GRANADA, 2 SUGATAN

granada

COTABATO CITY- DALAWANG babae ang nasugatan kabilang na ang isang senior citizen sa naganap na pagsabog ng granada sa loob ng Sto. Niño Chapel nang hagisan ng isa sa dalawang suspek kamakalawa ng umaga sa lalawigang ito.

Ang mga biktima ay kinilala ni Cotabato City Police Director Col. Querubin Manalang, Jr. na sina Marybel Atis, 40-anyos at Rosita Tubilo, 65-anyos, pawang residente ng Purok Bagong Silang Barangay Rosary Heights 3.

Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, dakong alas-10:30 ng umaga ay nagsasagawa ng special prayer service sina Atis at Tubillo kasama ang nasa 10 pang Katoliko.

Nang biglang dumating ang dalawang suspek na nakamotorsiklo at pumarada sa harap mismo ng nabanggit na simbahan.

Dito, hinagisan ng granada ang mga biktima sa loob ng simbahan saka mabilis na tumakas sakay ng kanilang motorsiklo patungo sa hindi malamang direksyon.

Dahilan sa malakas na pagsabog ay nabulabog ang mga residente malapit sa simbahan at nagdulot ng takot sa mga ito.

Base sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng City Explosive Canine Unit (Cecu), posibleng M26 hand grenade ang ginamit na pampasabog ng mga suspek base sa narekober nilang safety lever sa pinangyarihan ng insidente.

Sa ngayon ay patuloy na pinag-aaralan ng pulisya ang kuha sa CCTV malapit sa lugar na pinangyarihan ng pagsabog para sa mabilis na pagkakakilanlan sa mga suspek at pagdakip sa mga ito. EVELYN GARCIA