SIMBAHAN NABAHALA SA BALIK-OPERASYON NG MGA MINAHAN

Gerardo Alminaza

NANGANGAMBA  ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa muling pagbabalik- operasyon ng mining companies na matatandaang sinuspinde ni dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez dahil na rin sa kanilang mga paglabag sa Environmental laws ng bansa.

Hinimok ni San Carlos Bishop Gerardo Alminza, na siya ring vice-chairman ng  Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace (NASSA/Caritas Philippines) ng CBCP,  ang DENR na ihayag sa sambayanang Filipino ang dahilan ng muling pag-o-operate ng mga mining firm.

Iginiit ng Obispo na dapat magkaroon ng third party group na magpapatunay na sumunod sa patakaraan ang mga kompanyang magbabalik-operasyon at mapanagot ang mga mining firms na nagdudulot ng pinsala sa kalikasan.

“I have serious doubts and how I wish the process is transparent and open for public scrutiny. So mining companies are held accountable for any environmental damages caused by them,” pahayag pa ni Alminaza sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Nilinaw naman ni DENR Secretary Roy Cimatu na tanging mga dumaan sa tamang pro­seso at sumunod sa mga itinakdang hakbang ang pinapayagang magbalik-operasyon.

Kinumpirma rin ni Cimatu na naglabas na ng rekomendasyon ang audit team ng DENR sa mga hindi tinukoy na kompanyang magbabalik operasyon.

Magugunitang noong September 2017 nang ipag-utos ng namayapang si Lopez ang pagpapasara at suspensiyon ng mining operations ng 26 mining companies dahil sa paglabag sa environmental standards at Philippine Mining Act of 1995. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.