NANANAWAGAN na ang ilang opisyal ng Simbahang Katolika sa mga magulang na huwag mag-alinlangan at agad pabakunahan ang kanilang mga anak na edad 5 hanggang 11 bilang proteksiyon laban sa COVID-19.
Ayon kay Pagadian Bishop Ronald Lunas, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) – Episcopal Committee on Basic Ecclesial Communities, bagamat muling bumababa ang kaso ng COVID-19 ay marami pa ring komunidad ang may mataas na hawahan kaya mahalagang pabakunahan na ang mga bata nang makaiwas mahawahan at magkaroon ng malalang sintomas ng virus.
“Vaccination is perceived as one of the means to prevent a severe effect of COVID-19. Even Pope Francis considers receiving vaccines as an act of charity to others, even to ourselves,” pahayag ni Bishop Lunas sa Radio Veritas.
Iginiit naman ng obispo na patuloy na iginagalang ng Simbahan ang desisyon ng mga ayaw pa ring makatanggap ng bakuna ngunit paalala nito na dapat pa ring maging maingat ang publiko upang maiwasan ang mahawahan at makahawa ng virus.
“While one’s decision is respected and we don’t discriminate against people, we encourage all to be extra careful and loving,” ayon pa sa obispo. PAUL ROLDAN