SIMBAHAN TUTOL SA ALA-MARTIAL LAW NA ECQ

Bishop Broderick Pabillo

TUTOL ang opisyal ng simbahan sa pagkakaroon ng ‘Martial law-type implementation’ ng enhanced community quarantine na umiiral sa Luzon dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis.

Nanindigan siManila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na hindi ito naangkop na pagtugon sa krisis na dulot ng pandemya.

Ayon kay Pabillo, mas dapat na bigyang tuon ng pamahalaan ang karagdagang tulong lalo na sa mga mahihirap na komunidad.

Sinabi ng Obispo na ang pagkakaisa at pagtiyak sa kapakanan ng mga mahihirap at mahihina sa lipunan ang isang paraan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat mula sa kumakalat na virus at hindi ang Martial Law o ng mahigpit na pwersa ng mga awtoridad.

Paliwanag ni Pabillo, ang kakulangan ng tulong tulad ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan sa tahanan ang dahilan ng paglabas ng mga tao lalo na ng mga mahihirap.

Mungkahi rin ng Obispo na bukod sa pagtulong sa mga mahihirap, dapat ding bigyang halaga ng mga opisyal ng pamahalaan ang pagsusuri sa mga may sakit upang matukoy ang pangangailangan medikal ng bawat isa.

“Hindi po ito matatalo ang virus ng Martial Law, matatalo ang virus kapag tayo ay nagkakaisa, kapag tayo ay nagtutulungan lalong lalo na po sa mga mahihirap at mga vulnerable sa ating lipunan,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa church-run Radyo Veritas.

Samantala, umapela naman ang Obispo sa mamamayan na makipagtulungan at sumunod sa ipinatutupad na panuntunan ng pamahalaan tulad ng physical distancing at pananatili sa loob ng tahanan.

Paliwanag ng Obispo, ang pagsunod sa mga panuntunan ng pamahalaan ay malaking ambag upang makatulong sa pagsugpo ng COVID-19 sa bansa.

“Sa lahat po ay nakikiusap sana tayo magbigay naman tayo ng ating cooperation sa ating pamahalaan sa pag-iwas ng paglalabas-labas, ito po ay para po sa ikabubuti ng lahat kung wala naman talaga tayong importanteng lakad manatili lang po tayo sa loob para po maiwasan din na kumalat yung sakit,” dagdag pa ng Obispo.

Sa tala ng Philippine National Police (PNP) ay umaabot na sa mahigit 125,000 ang bilang ng mga  lumabag sa enhanced community quarantine na karamihan ay nahuling lumabag sa curfew at nasa labas ng kanilang mga tahanan at mga lansangan sa kabila ng kawalan ng quarantine pass. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.