TINUTULAN ng isang Catholic bishop sa nakaugalian ng ilang Pinoy na magsuot ng Halloween costume para ipagdiwang ang Undas.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, ang Halloween ay hindi ‘Christian celebration’ dahil ito’y isang selebrasyon ng kamatayan.
Nanawagan rin siya sa mga Pinoy na talikdan ang ‘sekular’ na paraan ng pagdiriwang ng araw ng mga patay tulad ng pagsusuot ng mga nakakatakot na costume.
“Kaya ang Halloween ay hindi ‘yan Christian celebration which is a ‘celebration of death’. ‘Yung mga nakakatakot na mukha, mga demonyo hindi ‘yan makakristiyanong celebration at ‘yan ‘yung ginagamit ng ‘secularism’,” anang Obispo, na siya ring chairman ng Episcopal Commission on Laity ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Ayon pa kay Pabillo, sa halip na magsuot ng nakakatakot na costumes ay magsagawa na lamang ng ‘parade of saints’ o pagbibihis sa mga kabataan ng mga kasuotan ng mga Santo.
Nabatid na ilan sa mga lugar na nagsasagawa ng taunang ‘Parade of of Saints’ para sa pagdiriwang ng Undas ay ang St. Peter and Paul Parish Makati; Ascencion of Our Lord sa Parañaque; San Antonio De Padua, Marikina; Sta. Cruz Parish sa Caloocan; Nuestra Señora Dela Paz Y Buenviaje, Bacoor Cavite; Sta. Cecilia sa Maly, Pangasinan San Roque Catholic School, Mother of Mercy Loma De Gato at St. Michael the Archangel Parish sa Marilao Bulacan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.