ISANG proyekto ang inilunsad ng Simbahang Katoliko at Caritas Philippines para sa mga labis na naapektuhan ng bagyong Odette na nanalasa noong Disyembre 2021 sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas region.
Mismong si Cardinal Luis Antonio Tagle na nakatalaga na sa Roma ang nanawagan ng suporta sa tinaguriang Friend-raising project.
Hinihikayat ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na mag-ampon ng pamilya na tutulungan nila na makabangon mula sa epekto ng tinaguriang super typhoon.
Target ng Caritas Philippines na makapagpatayo ng mga bagong bahay at makapagbigay ng livelihood packages para sa 11-libong pamilyang nabiktima ng nagdaang bagyo.
Kabilang dito ang mga residente mula sa Maasin sa Leyte, Cebu, Surigao, Puerto Princesa, Bacolod, Dumaguete, Tagbilaran at iba pang mga lugar.
Hangad ng Caritas na makalikom ng 400-milyong piso para pondohan ang pagtatayo ng mga bagong bahay at pangkabuhayan sa may 11,000 pamilya sa 11 dioceses sa bansa. JEFF GALLOS