SIMBANG GABI SA CITY HALL NG PASAY

Pasay City hall

SA temang “Sama-samang Pagdarasal at Panalangin Ngayong Kapaskuhan”, nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng Pasay ng ‘Simbang Gabi’ sa loob ng city hall matapos ang oras ng trabaho ng mga kawani simula  kahapon Disyembre 15 hanggang Disyembre 23.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto Rubiano, ang Simbang Gabi sa loob ng city hall ay gagawin araw-araw sa mga nabanggit na petsa na ganap na ala-5:15 ng hapon.

Ang bawat departamento o tanggapan sa city hall ay itatalaga sa bawat araw ng misa na siya ring mamamahala sa lahat ng pangangaila­ngan kabilang na ang pagtawag ng pari at ang pagdadala ng choir.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na napagdesisyunan ng lokal na pamahalaan na magsagawa ng Simbang Gabi sa loob ng city hall upang mabigyan ng pagkakataon ang mga deboto na makadalo at maisakatuparan ang nakaugaliang pagbuo sa pagdinig sa misa ng Simbang Gabi lalo pa ngayon sa panahon ng pandemya kung saan nililimitahan na lamang ang mga dadalo sa bawat misang isasagawa sa 30% upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Ang naturang Simbang Gabi ay magaganap sa isang malaking espasyo sa ikalawang palapag ng city hall na may 30% lamang ang maka-dadalo dito.

“Ang pagdalo sa Simbang Gabi ay isan ng tradisyon para sa a­ting mga Pilipino. Napag-isipan ng lokal na pamahalaan na magsagawa ng misa para sa Simbang Gabi sa loob ng Pasay City Hall upang mabigyan ng pagkakataon ang mga residente na makadinig ng salita ng Diyos sa misa. Ito ay bahagi rin ng ating pagsasama-samang pagdarasal upang matigil na ang pandemyang ito at magkaroon ng panibagong buhay sa darating na taong 2021,” ani Calixto-Rubiano.

Noong nakaraang Disyembre 11 ay inatasan ni Calixto-Rubiano si City Administrator Atty. Dennis Acorda na mag-isyu ng isang memoran-dum para sa lahat ng departamento sa city hall kung saan nakasaad din sa naturang memo ang petsa ng pagtatalaga sa bawat departamento ng kanilang pagiging punong abala sa bawat araw ng pagsasagawa ng misa kabilang ang preparasyon ng offering ng cash donations. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.