SIMPLE AT MADALING RECIPES NA PASOK SA BUDGET

COOKING

ABALA ang marami sa atin. Pero kahit na abala at sobrang daming inaasikaso, hindi pa rin natin puwedeng kalimutan ang ating pamilya. Sa kabila ng kaabalahan, iniisip pa rin nating maghanda ng mga simple at madaling lutuing recipe na swak sa budget. Siyempre, kailangang swak din sa panlasa ng ating mahal sa buhay.

Mahirap naman talagang mag-isip ng lulutuin na swak sa budget. Sa taas nga naman ng bilihin sa panahon nga­yon, mangingimi kang gumastos. Siling labuyo pa nga lang, pagkamahal-mahal na. Paano pa ang ibang produkto gaya ng mga condiment, gulay at prutas, isda, karne at manok. Tiyak na kapag inisip mo, mapaluluha ka sa sobrang mahal ng presyo.

Kaso importante namang mapakain natin ang ating pamilya ng masasarap at masusustansiyang pagkaing hindi nila pagsasawaan.

At dahil hindi madali ang pag-iisip ng mga kakaining pasok sa budget, kailangan o napakahalagang magkaroon ng meal planning. Sa pagpaplano, napakahalaga ng pagiging simple ng putaheng iisipin. Hindi naman kasi kailangang bongga ang putahe o lulutuin para lang masigurong magugustuhan ng pamilya.

Don’t over think, ika nga. Maging makatotohanan din. Dahil kailangang maghigpit ng sinturon, kailangang pag-isipang mabuti ang mga gustong lutuin. Maganda rin kung sasamahan ng gulay at soup ang ihahanda sa pamilya.

At sa mga gaya kong halos sumakit ang ulo sa kaiisip ng mga putaheng swak sa budget, narito ang ilang tips o mga re­cipe na pasok sa budget:

CHICKEN FRIED RICE BOWL

CHICKEN FRIED RICE BOWLTalo-talo na ang simpleng fried rice. Pero puwede mo itong ga­wing espesyal sa paningin at panlasa ng pamilya sa pamamagitan ng pagle-level up nito. Gawing Chicken Fried Rice Bowl ang simpleng fried rice.

Ang kaibahan lang nito sa simpleng fried rice ay sasamahan mo na ito ng manok. Puwede mong lutuin ang chicken at ilagay sa ibabaw ng fried rice. Maaari rin namang isama mismo ang hiniwa-hiwang chicken sa pagluluto ng fried rice.

Mainam ito dahil sa isang bowl lang, mayroon ka nang kanin at ulam. All-in-one na rin itong maituturing dahil sa nagsamang linamnam ng fried rice at chicken. Puwede rin itong samahan ng ilang gulay gaya ng celery, kangkong at spring onions.

Pero kung medyo namemeligro na ang budget at bulsa, puwede rin namang imbes na chicken, gawing Bagoong Fried Rice. Masarap din ito at malasa lalo na kung medyo may kaanghangan. Sa recipe ring ito, kahit na walang ulam ay swak na swak na. Samahan lang din ito ng kangkong para magkaroon ng kaunting gulay. Puwede rin itong samahan ng hiniwa-hiwang scrambled egg. O kaya naman, lagyan sa ibabaw ng sunny side up egg.

FISH AND LEMON BUTTER SAUCE

FISH AND LEMON BUTTER SAUCESa mga mahihilig naman sa isda, isa naman sa maganda at masarap subukan ang Fish and Lemon Butter Sauce. Kahit na anong klaseng isda ay maaaring gamitin sa recipe na ito. Ang kakailanganin lang ay isda. Linisin at patuluin. Pagkatapos ay timplahan ito ng asin at paminta. Hayaan munang manuot ang lasa.

Pagkatapos, pagsamahin naman sa isang lalagyan ang lemon juice at tinunaw na butter.

Kapag may lasa na ang isda, prituhin na ito.  Bago ihain sa pamilya, ibudbod sa ibabaw ang lemon juice-butter mixture.

Hindi lang salmon ang puwedeng gami­ting isda sa recipe na ito. Gaya nga ng sabi ko kanina, puwede ang kahit na ano gaya ng tilapia o bangus. Ito nga naman ang dalawang klase ng isda na bukod sa mada­ling bilhin, pasok pa sa budget ng mga Pinoy.

SOFT SCRAMBLED EGGS WITH BASIL

SOFT SCRAMBLED EGGS WITH BASILMadali at murang lutuin ba ang hanap mo? Pasok diyan ang susunod nating pag-uusapan, ang Soft Scrambled Eggs with Basil.

Ang kakailanganin sa paggawa nito ay ang itlog, asin at paminta, kaunting gatas at basil leaves. Puwedeng dried basil at puwede rin naman ang fresh.

Pagsama-samahin lang ang lahat ng nasabing sangkap. Pagkatapos ay lutuin na ito.

Ang technique sa recipe na ito ay ang mahinang apoy.

6-INGREDIENT TOMATO SAUCE PASTA

6-INGREDIENT TOMATO SAUCE PASTAPasta ang isa sa hilig ng mga bata. Hindi na kailangang gumastos ng mahal para lang makapaghanda ng pasta. At sa mga gipit o naghihigpit ng sin-turon ngayong panahong pataas nang pataas ang mga bilihin, isa sa puwedeng subukan ang 6-ingredient tomato sauce pasta.

Ang kakailanganin lang sa paggawa nito ang kamatis, bawang, olive oil, unsalted butter, asin at pasta.

Kung magiging creative lang tayo, hindi tayo mauubusan ng ideya sa mga simple at murang putahe o recipe na maaaring ihanda sa ating pamilya.  CS SALUD

Comments are closed.