SIMPLE AT MALAMAN ANG SONA NI PBBM

TULAD ng inasahan ng marami, naging simple at malaman ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Dahil nariyan pa rin ang banta ng COVID-19, nakatutok ang SONA sa pagtugon sa mga problemang kaakibat ng krisis.

Ayon sa Pangulo, hin­di na nga lang magkakaroon muli ng mas mahigpit na restriksiyon na may kaugnayan sa impeksiyon.

Hindi raw kaka­yanin ng Pilipinas ang pagpapatupad ng panibagong lockdown at mahalagang balansehin nang maayos ang kalu­sugan at kapakanan ng mamamayan at eko­nomiya ng bansa.

Magpapatuloy ang pagtuturok ng booster shots para sa lahat upang manatiling mababa ang bilang ng mga ma-oospital at mamamatay habang tuloy-tuloy na gagamitin ang alert level system.

Tututukan ng ba­gong administrasyon ang paniningil ng value added tax (VAT) sa mga digital service provider para makatulong sa pag­bangon ng ating ekonomiya.

Dapat nga raw ibatay ang tax system ng gobyerno sa mabilis na pagbabago sa digital economy.

Kapag nagkataon, aba’y tinatayang P11.7 bilyon ang inaasahang madaragdag sa pondo ng pamahalaan sa susunod na taon.

Maganda rin ang isusulong na pagbabago sa pangongolekta ng buwis dahil gagawin na nga itong mas simple.

Tinalakay rin ng Pangulong Marcos sa kanyang SONA ang pagbabalik ng full face-to-face classes ngayong taon.

Naniniwala kasi si Marcos na panahon na para bumalik sa mga silid-aralan ang mga mag-aaral, kasama ang mga guro.

Siyempre, tiyak din naman na pi­naghahandaan itong mabuti ng Department of Education (DepEd) sa pangunguna ni Vice President Inday Sara Duterte-Carpio.

Kung hindi ako nag­kakamali, tumagal lang ng isang oras at 14 minuto ang unang ulat sa bayan ng Presidente.

Hindi nga lang mai­wasan ng mga kritiko na magsalita laban dito.

May ilang mahaha­lagang isyu raw na hindi nabanggit ni Marcos.

Kasama na raw dito ang usapin sa kon­traktwalisasyon, peace talks, polisiya sa Tsina at West Philippine Sea, pagsugpo sa katiwalian, pagbalangkas ng bagong batas sa reporma sa lupa, at iba pa.

Ngunit sa palagay ko, hindi na dapat talakayin pa ang ilan dito dahil ‘yung iba ay may mga panukalang batas nang nakabimbin sa Kongreso at maaaring pirma na lang ang kulang sa ilang bills.

Sa mga nakalipas na taon, ang paghahatid ng SONA ng mga naging Pangulo sa unang araw ng bagong regular na sesyon ng Congress ay sinasalubong ng mga kritisismo at martsa ng protesta sa kalsada patungo sa Batasan.

Nabawasan lamang ang mga pagkilos nang magkaroon ng pandemya.

Hindi rin naman maitatatwa na nasaksihan natin sa nakaraang administrasyong Duterte ang mahusay na pamamahagi ng ayuda sapagkat marami ang mga nakatanggap nito.

May ilang bills sa Kamara na inaasahang makatutulong din sakaling magkaroon muli ng mas matinding krisis pangkalusugan.

Sa ganitong paraan, hindi kakapa-kapa ang pamahalaan na kung kailan nariyan na ang pandemya ay saka nagkukumahog.

Nakakatakot na nasa pintuan na natin ang salot pero wala pang hakbang na ginagawa ang mga kinauukulan.

Nawa’y maipag­patuloy ng Marcos admin ang magagandang nasimulan ni dating Pangulong Rodrigo Du­terte.

Magawa rin sana ang lahat ng mga plano, panukala o polisiya para hindi na maging kawawa ang mamamayan at ang ating ekonomiya.

At sa tingin ko na­man, matibay at tiyak ang mga plano ng Pangulong Marcos para sa ikauunlad ng ating bansa.