SIMPLE TIPS PARA MAGING FASHIONISTA NGAYONG HOLIDAY

FASHIONISTA

DAHIL sa kabi-kabilang party, marami sa atin ang nag-iisip kung ano ang magandang outfit na maaari nilang suotin. Mas maganda nga naman kung mag-aayos ka kahit na paminsan-minsan. Kailangan din namang maging presentable tayo sa paningin ng marami, lalong-lalo na sa ating sarili. Kumbaga, hindi naman tayo nagpapaganda sa iba, kundi para rin sa ating mga sarili.

Masarap nga namang magbihis lalo na kung mayroon tayong pupuntahan. Kadalasan din, sa ganitong mga panahon natin inilalabas ang ating pagiging creative at fashionista.

Kahit nga naman kasi anong klaseng damit, puwedeng-puwede mong isuot.

Pero kung minsan, kahit na maga­ling tayong mag-isip ng magandang outfit, dumarating pa rin ang panahong wala tayong maisip na isusuot o nawawalan tayo ng ideya.

Marami rin ka­sing kababaihan na kahit na sobrang daming damit ang nakalagay sa closet, sinasabi pa ring wala silang maisuot.

Nangyayari nga naman talaga iyon—ang masabi mong wala kang maisuot. Hindi naman ibig sabihing wala ka talagang maisuot, kundi wala kang maisip na maisuot. O hindi ka makapagdesisyon kung anong susuotin mo.

At dahil maraming kababaihan ang laging gustong maging presentable o fashionista lalo na ngayong dara­ting na Pasko, narito ang ilan sa mga simpleng paraan:

DENIM SHIRTS AT BLACK SKINNY JEANS

Kung ikaw naman ang tipong ayaw mag-dress o kaya skirt, isa naman sa magandang outfit ang Denim shirts at leggings.

Isa sa maitutu­ring na fashion trend at swak sa kahit na sino ang denim shirts. Puwede itong paresan ng black skinny jeans, heels o flats.

Bukod sa kompor­table, madali lang din suotin ang nasabing outfit.

Bukod sa denim shirts, puwede rin ang long sleeve.

TAWAG-PANSING OUTFITS

Kulay ang isa sa dapat na pinag-iisipan din nating mabuti lalo na kung may pupuntahan kang party o okas­yon. Dahil Pasko,  mas maganda kung magsusuot ka ng mga kulay na nagre-reflect sa nasabing okasyon.

Madalas, black dress ang isinusuot ng marami sa atin lalo na kapag dadalo ng pagtitipon, pero medyo boring ang kulay na ‘yan lalo na kapag holiday.

Kaya para hindi ka mahirapang mag-isip, ilan sa mga puwede mong subukan ay ang sequined skirt or dress o kaya naman ay metallic blazer. Puwede rin naman ang crystal-embellished pair of shoes o kaya naman ay ang embellished jacket. Pero huwag lang din sosobrahan dahil baka naman magmukha kang naglalakad na Christmas tree.

MAXI SKIRTS

Isa rin naman sa puwedeng suotin sa mga party ay ang maxi skirts. Madali lamang din itong dalhin kumpara sa gown. Puwede mo itong ternuhan ng black tank top at ballet flats. Komportable rin itong suotin at magandang tingnan sa kahit na anong size ng katawan.

Kaya kung medyo alangan kang magsuot ng gown,  swak na swak na pamalit ang maxi skirts.  Napakarami na ring design at kulay na maaari nating pagpi­lian. May maxi skirt na fit at mayroon namang pabilog ang cut.

Pero kung ikaw naman iyong tipong ayaw na ayaw magsuot ng maxi-skirt dahil pakiramdam mo ay lumiliit o nagiging pandak ka. Swak naman ang mini skirt. Nakapagpapatangkad din itong tingnan.

SIMPLE DRESS AT ACCESSORIES

Hindi rin naman puwedeng mawala ang dress o mini-dress sa kinahihiligan ng marami. Bukod nga naman sa napakadali lang nitong suotin at swak sa kahit na anong okasyon, maraming kababaihan din ang binabagayan nito.

Kung medyo hirap kang mag-isip ng susuotin o ayaw mo ng maaarte o mahirap suoting damit, isa sa magandang isuot ang simpleng dress.

At para naman makatawag ng pansin ang nasabing outfit, maaari itong samahan ng accessories.

Isa rin sa nakatutulong para mapaganda ang look mo ay ang pagsusuot ng mga eye-catching jewelry. Kahit na simple lang ang dress na suot mo, kung maganda naman at nakatatawag pansin ang suot mong bangles, necklace, earrings, ring o kaya naman shoes, tiyak na mapapansin ka ng marami. Huwag ka ring matakot sumubok ng mga accessory na may kalakihan o kakaiba ang design.

Okey lang iyan, party naman ang pupuntahan mo. Basta’t siguraduhin mo lang din na bagay sa iyo ang accessories na isusuot mo.

Kumbaga, makadaragdag ito ng ganda sa look mo. May iba rin  kasing sige lang nang sige sa pagsusuot pero hindi naman bagay, napupulaan tuloy.

MAGSUOT NG BAGAY AT NAAAYON SA EDAD

Kadalasan ang teenager ngayon ay sinusuot na rin ang mga damit ng matatanda tulad na lang ng maiikling shorts at damit na may malalim na cleavage, spaghetti straps at iba pa. Hindi basta-basta ang pagsusuot ng damit.

Hindi dahil naibigan mo, iyon na ang susuotin mo. Kailangang angkop ito sa iyong edad. Hindi rin naman masama ang sumubok ng mga outfit na kakaiba o bago. Pero siyempre, siguraduhin din na ang­kop sa iyong edad ang damit na susuotin mo.

Hindi mo rin naman kailangan ng magagarang damit o mamahalin para lang masabi na fashionista ka. May iba nga riyan na mamahalin ang damit at la­ging bago pero mukha namang Christmas tree ang hitsura.

Kahit ano pa man ang nauuso ngayon, siguraduhing kompor­table ka sa kung anong outfit na kinahihiligan mo. Hindi ibig sabihin na kapag nagsuot ka ng naaayon at kung ano ang trending ngayon ay cool ka na. Laging isaisip kung babagay ba ito sa iyo. Importante rin  kasi na bagay sa isang tao ang outfit na isusuot niya.

Masarap ang maging fashionista. Masarap sa pakiramdam iyong alam mong maayos ang hitsura mo at hindi ka nahihiyang humarap sa marami. Hindi rin kailangang magara ang suot mo para lang masabing maganda.

Kahit simple lang ay puwedeng mamukod-tangi, lalo na kung mayroon kang tiwala sa iyong sarili at kaya mong dalhin ang suot mong outfit. CT SARIGUMBA

 

Comments are closed.