SIMPLEHAN N’YO LANG

HUWAG namang magtampo sa pamahalaan kung ipag-utos na simplehan ang Christmas Party sa mga susunod na araw.

Maaari kasing sabihing kill joy ang Malacanang sa informal directive na iwasan ang magarbong party dahil ito ang hinihintay ng lahat ng mga kawani, gobyerno man o ng pribadong sektor, ang magkaroon ng Christmas Party na masaya, maraming pagkain, regalo at pa-raffle.

Subalit malinaw ang atas ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi naman compulsory.

Kumbaga, kung may kakayahan  naman ng magbigay ng ma­raming regalo para mapasaya ang empleyado o kaya naman bilang insentibo sa mahusay na magtrabaho, ay maaari namang gawin.

Ang pag-uutos ng pamahalaan na umiwas sa magarbo ay upang ikonsidera naman ang mga nabiktima ng kalamidad mula sa magkakasunod na anim na bagyo.

Ang bagyong Kristine, Leon, Marce, Nika, Ofel at Pepito na ma­raming lugar na binaha at sumira sa mga impraestruktura, taniman at kabuhayan.

Sabi nga ng Pangulo, ang mga gagastusin sa party ay maaaring i-donate sa mga biktima ng bagyo.

Pupuwede naman ito at nagpapatunay na nais lamang ng Pa­ngulo na palakasin ang bayanihan at pakikipagkapwa.

At maaari pa rin ang Christmas Party at New Year’s Party bilang team building sa mga kompanya habang pagpapabuklod naman sa mga pamilya pero mas hinikayat nga na, simplehan lang.