SIMPLENG BONDING NA SWAK SA BUONG PAMILYA

BONDING PAMILYA-2

(Ni CT SARIGUMBA)

SA KABILA ng ating kaabalahan, napakahalaga na naglalaan tayo ng panahon at oras para sa ating pamilya. Walang makahihigit sa kaligayahan kapag kasama natin ang ating mahal sa buhay.

Marami ring benepisyo ang paglalaan ng panahon sa ating pamilya. Hindi naman biro ang obligasyong kailangan nating gawin. Kaliwa’t kanang tra-baho sa opisina. Nariyan din ang paghahanda ng pagkain para sa pamilya.

Natural lamang din naman na ipaghanda at ipagluto natin ng pagkain ang ating pamilya. Masaya rin nating ginagampanan ang obligasyon nating maibigay sa mahal natin sa buhay ang lahat ng kanilang pangangailangan. Pero isa sa hindi natin dapat na makaligtaan ay ang bonding kasama ang mga taong mahalaga at nagpapasaya sa atin.

Ilan sa naidudulot ng pagba-bonding ay nagi­ging malapit ang bawat miyembro ng pamilya. Mas nalalaman din ng bawat isa kung may pi­nagdaraanan bang problema ang mahal nila o nagiging updated tayo sa nangyayari sa ating pamilya. Higit sa lahat, tumitibay ang pundas­yon ng isang pamilya sa pamamagitan ng pagba-bonding.

Kapag sinabing bonding, iniisip ng ilan ang pagtungo sa ibang lugar, pagkain sa paboritong restaurant o pag-staycation sa hotel. Hindi lamang ang mga nabanggit ang maaari nating gawin upang maka-bonding natin ang ating mahal sa buhay. May mga simpleng paraan, gaya na lamang ng mga su-musunod:

Marami sa atin ang nag-iisip ng pinakamada­ling paraan sa pagluluto, paglilinis ng bahay at kung ano-ano pang gawain. Gusto nga naman nating na-tatapos kaagad ang isang gawain nang masimulan at matapos din natin ang iba pa.

Hindi rin sa lahat ng pagkakataon ay nakakasama natin ang ­ating pamilya sa pagluluto. Kaya kapag weekend, isang magandang bonding ay ang pagluluto kasama ang mga anak at asawa.

Sa panahon ngayon, hindi lahat ng kabataan ay marunong magluto o maaasahan sa mga gawaing bahay.

Kung noon, sa murang edad ay maaari mo nang pagsaingin o paglabahin, iba na sa panahon ngayon. May ilan ngang mag-aasawa na lang ay hindi pa marunong maghiwa ng kamatis, magprito ng itlog at magdikdik man lang ng bawang.

Kaya habang bata pa lang o ngayon pa lang, mainam kung magbibigay tayo ng panahon sa ating mga anak at tuturuan natin silang magluto. Kahit na mga simpleng lutuin lang.

May mga magulang na tunay nga namang maraming pinagkakaabalahan at hindi natuturuang magluto ang mga anak. Gayunpaman, iwasan ang pag-dadahilan na walang panahon sa pamilya o mga anak. Mas mainam kung gagawa ng paraan.

Kaya kung weekend at kompleto ang buong pamilya, isa sa mga bonding na maaaring gawin ay ang pagluluto.

Bukod sa naturuan mo nang magluto ang iyong mga anak o pamilya, nagkaroon pa kayo ng panahong makapag-bonding.

Bukod din sa pagluluto kasama ang pamilya, isa ring bonding na maaaring subukan ay ang pagpaplano ng mga puwedeng gawin matapos ang pagkain ng hapunan.

Marami ang abala, alam na alam natin iyan. Hindi nga naman puwedeng iwanan ang mga trabaho.

Para makapaglaan ng panahon sa pamilya, magplano kayo ng mga nakatutuwang gawain matapos mag-dinner. Ilan sa mga puwede ninyong gawin ay ang pagkukuwentuhan habang nagkakape.

Puwede rin naman kayong manood ng mga nakatatawang palabas, horror o teleserye. Swak din ang paglalaro ng board games.

Kung gugustuhin natin, makagagawa tayo ng paraan upang ma­ging masaya ang buong pamilya sa libreng mga oras at panahon. Hindi kailangang mahal o magarbo ang gagawin gaya ng pagtungo sa ibang bansa, pamamasyal sa mga ipinagmamala­king lugar sa Filipinas o ang pagkain sa mga sikat na restaurant. Dahil sa pamamagitan ng simpleng paraan, makapaglalaan na kayo ng panahon sa inyong pamilya. Makapag-e-enjoy pa ang lahat.

Sulitin natin ang bawat panahong kapiling natin ang mahal natin sa buhay. Kumbaga, hindi sila nandiyan sa habampanahon. Kaya’t mag-enjoy at gumawa ng paraan upang makapag-bonding.  (photo credits: fourthyearstudio.com, healthydiningfinder.com, fluentu.com)

Comments are closed.