SIMPLENG GAWI NANG MAIWASAN ANG STRESS

ANTI STRESS

(Ni: CS SALUD)

TUNAY nga namang kaakibat na natin ang stress sa araw-araw. At kapag nagpadala tayo sa stress na nararanasan natin, tayo lamang din ang matatalo o mahihirapan. Kaya naman, narito ang ilang simpleng gawi o paraan nang maiwasan ang stress na bumubuntot-buntot sa atin sa araw-araw:

MAG-MEDITATE

Malaki ang maitutulong ng pagme-meditate upang maibsan ang stress at anxiety na nararamdamam.

Simpleng-simple lang ang pagme-meditate, ang kailangan lang ay umupo sa sahig at isara ang mga mata. Habang nakapikit ang mga mata, ituon ang isipan sa pagre-relax.

Sa mga panahon ding nakadarama ng stress, makatutulong ang paghinga ng malalim. Ipikit ang mga mata at huminga ng malalim.

TUMAWA NG MALAKAS

Hindi nga naman maitatanggi ang kabutihang naidudulot ng pagtawa ng malakas sa ating kalusugan. Bukod sa nakapagpapabata ang pagtawa, naii-wasan o nababawasan din nito ang stress na iyong nadarama.

Sa pamamagitan nga naman ng pagtawa ay napabababa nito ang cortisol na isang stress hormone ng katawan at nabo-boost nito ang endorphins na nakapagpapaganda ng mood o pakiramdam.

Kaya’t para mapatawa ng malakas, maki­pagkuwentuhan na sa mga kaibigan. O kaya naman, manood ng mga kinahihiligang palabas. Swak na swak din ang pagbabasa ng mga kuwentong nakapagpapagaan ng pakiramdam.

IGALAW ANG KATAWAN

Hindi rin puwedeng kaligtaang igalaw-galaw ang katawan nang mabawasan ang stress na nararamdaman. Ang simpleng paglalakad o pagyo-yoga ay malaking tulong na upang maibsan ang depression at anxiety. Kapag nag-eehersisyo ay naglalabas ang katawan ng feel-good chemicals.

KAHILIGAN ANG MASUSUSTANSIYANG PAGKAIN

Panghuli sa ibabahagi namin ay ang pagkain ng masustansiya. Kapag malakas ang katawan ay nalalabanan nito ang stress na ating nadarama.

Kaya iwasan ang mga junkfood o pagkaing masama sa kalusugan.

Hindi nga naman nawawala ang stress sa buhay ng tao. Gayunpaman, may mga pa­raan upang ma-handle natin ito ng maayos.

Comments are closed.