SIMPLENG MENSAHE PARA SA IKA-10 ANIBERSARYO NG PM

MAINIT  na pagbati ang aking hatid sa mga kasamahan ko sa PILIPINO Mirror sa ika-sampung anibersaryo ng pahayagang ito. Pagbati rin siyempre sa mga masusugid na mambabasa, sponsors at advertisers, aming mga partners at mga kaibigan—kung wala kayo ay wala rin kami rito ngayon. Kaya salamat sa inyong pagtangkilik sa loob ng sampung taon.

Hindi biro ang maglabas ng isang pahayagan araw-araw sa loob ng maraming taon. Pinagtitiyagaan ito ng mga bumubuo ng PILIPINO Mirror sapagkat kami ay naniniwalang tama lamang na maihatid ang balita at impormasyon sa madla. Naniniwala kaming armas ang impormasyon para sa pagbabago, pagsulong at pag-unlad.

Kaya’t sa inyong mga nakasama namin sa mga nagdaang taon, na may naging pakinabang sa pahayagan, na nagkaroon ng papel ang pahayagan sa inyong pag-unlad—kami ay nagagalak. Kayo po ang aming inspirasyon. Natutuwa kaming nakatulong at naging bahagi ng inyong buhay ang aming mahal na PILIPINO Mirror.

At sa mga mambabasang humuhugot ng impormasyon at inspirasyon mula sa mga pahina ng aming pahayagan, upang makatuwang nila sa araw-araw na pagharap sa mga hamon ng buhay, umasa po kayong narito kami upang kayo ay suportahan. Ang aming maliit na kontribusyon sa inyong pag-unlad at sa pag-unlad ng bayan ay aming ambag para sa pagkakaroon nating lahat ng masaganang bukas.

Muli, ang aking taos-pusong pasasalamat sa lahat, at panawagan na rin na sana ay patuloy ang inyong pagtangkilik sa aming munting pahayagan. Happy 10th Anniversary sa Pilipino Mirror! Mabuhay po tayong lahat!