SIMPLENG PAMUMUHAY AT ANG KONSEPTO NG DEGROWTH

PUSONG PANALO

DITO sa ating mundo, napakaraming pagpipilian–pagkain man o bagay, entertainment o maging mga ideya. Ang pag-ikot ng produksiyon at pagkonsumo ay nagdudulot ng napakaraming basura at pagkasa­yang na ang ibang mga mamamayan sa ilang first world countries ay nagtatapon ng mga bagay na hindi pa naman sira. Ang ‘kasaganahang’ ito ay tini­tingnan natin bilang pag-unlad, isang bagay na positibo at nakabubuti sa tao.

Marami nang mga ekonomista at eksperto ang nagbabala sa atin na may limitasyon ang ganitong uri ng pag-unlad. Sa kanyang librong Small Is Beautiful, sinabi ni E. F. Schumacher na ang pag-unlad ng ekonomiyang nakabase sa pagkonsumo ay hindi makatuwirang layunin ng pag-unlad ng ekonomiya. Ang kanyang rekomendasyon ay ang tinawag niyang “Buddhist economics”, o ang pagpapahalaga sa kapakanan ng tao at pagbabawas sa pagkonsumo.

Ang isang pag-aaral na ginawa ng mga mananaliksik sa MIT noong unang bahagi ng 1970s ay ang kauna-unahang mahalagang pag-aaral tungkol sa kahihinatnan ng paglago ng ekonomiya. Ang report na ito (The Limits to Growth) ay nag-sasaad na ang paglago ng ekonomiya ay isa sa pangunahing dahilan kung bakit dumarami ang mga problema ng mundo sa kalikasan, kagaya ng polusyon, pagkaubos ng likas na yaman, at ang pagkasira ng ecosystems ng mundo.

Ito ay isa sa mahahalagang tekstong sumusuporta sa teorya ng degrowth. Umiikot ang konseptong ito sa ideyang simple lamang umano ang pamumuhay ng tao upang ang lahat (tao man o hindi tao) ay mabuhay. Sa ilalim ng degrowth movement na ito, isinusulong ang pagbabawas sa pagkonsumo at produksiyon ng mundo. Isinusulong din ang lipunang makatarungan at nangangalaga sa kalikasan. Ang kapakanan ng tao ang batayan ng kasaganahan, at hindi ang GDP.

(Itutuloy)

Comments are closed.