NITONG buwan ng Agosto, nasa 6.3% ang antas ng ating inflation, na tumaas pa sa 6.9% nitong buwan ng Setyembre.
Ang average na antas para sa taong ito ay nasa 5.1% na. Ang presyo ng pagkain, pangunahing bilihin, at mga utilities ay malaki rin ang itinaas. Ang exchange rate ng piso sa dolyar ay nasa halos Php 59 sa kasalukuyan.
Mataas pa rin ang presyo ng gasolina, na nagdulot naman ng pagtaas ng pamasahe at gastos sa transportasyon. Hindi positibo ang forecast para sa mga susunod na buwan dahil ayon sa mga eksperto sa ekonomiya, mananatiling mataas ang antas ng inflation sa panahon ng Kapaskuhan.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon, importanteng mapababa ang demand at maitaas ang produksiyon sa ganitong mga pagkakataon.
Nangangahulugan ito na mas maraming Pilipino ang dapat na matutong mabuhay nang payak, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan kung kailan nakasanayan na ang pagbili at paggastos nang sobra.
Hindi kumpleto ang selebrasyon kung hindi magarbo ang handaan at kung walang mamahaling regalo, lalo na para sa mga taong may regular na suweldo at bonus. Ngunit kailangang rendahan ng marami sa atin ang sobrang paggastos ngayong taon.
Pero totoo rin naman ang himutok ng mga tao na mas maraming Pinoy ang hindi halos mapagkasya ang kita. Mataas pa rin ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho at ramdam talaga ng lahat ang epektong pang-ekonomiya ng krisis na nagaganap pa rin hanggang ngayon sa Ukraine at Russia. Kaya wala talagang kakayahan ang marami na gumastos nang bongga o kahit na mag-celebrate nang simple ngayong Pasko. Araw-araw na sakripisyo ang paghahain ng sapat sa lamesa, Pasko man o hindi.
Kinakailangang makita at maintindihan ito ng pamahalaan at mabilis na umaksyon upang magpatupad ng mga programang makababawas sa epekto ng krisis. Panahon na upang magtulong-tulong ang “best and brightest” ng pamahalaang Marcos upang makaisip ng mga paraan para harapin ang problema sa inflation at pati na rin ng iba pang mga bagay sa napakahabang listahan ng mga kasalukuyang isyu sa bansa.