(ni CT SARIGUMBA)
IMPORTANTE o napakahalaga na hindi lamang ang mga mahal natin sa buhay ang pinahahalagahan natin, gayundin ang ating mga sarili. Kadalasan, kapag sinabi nating “self-love”, pinaniniwalaan natin itong pagbili ng mga gusto at kailangan ng ating sarili.
Pero hindi lamang ang pagbili ng mga gusto natin ang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa ating sarili. Narito ang ilang simpleng paraan kung paano natin mamahalin ang sarili at kung ano-anong kilos at gawi ang dapat nating makasanayan:
ALAGAAN ANG SARILI
Unang-una sa ating listahan ay ang pag-aalaga sa ating mga sarili. Hindi lamang natin masasabing minamahal ang sarili sa pamamagitan ng pagbili ng mga bagay na gusto o kailangan natin. Dapat din ay naaalagaan natin ang sarili. Nakakakain tayo ng tama at masusustansiya. Nagagawa nating magpahinga at ang mag-relax.
Isa rin sa paraan ng pagmamahal sa sarili ay ang pag-eehersisyo. Ang ilang minutong paglalakad o ang pagsu-swimming ay malaking tulong na upang maging healthy ang ating kabuuan at maging masaya tayo ng lubusan.
IWASANG IKUMPARA ANG SARILI SA IBA
Hindi nawawala ang inggit sa puso ng marami sa atin. Pero walang maitutulong ang inggit. Mas nagiging dahilan lang ito para ma-stress tayo o kaya naman ang makagawa ng hindi magagandang aksiyon o gawi.
Mahalin natin ang ating sarili. At isa pang paraan ng pagmamahal sa sarili ay ang pagtitiwala sa kakayahan. Iwasan ang ikumpara sa iba ang sarili.
Oo, maaaring sabihin nating may mga kakilala tayong magagaling o kinaiinggitan natin ang estado ng buhay o maging ang panlabas na anyo. Gayunpaman, iba-iba ang ugali natin. Iba-iba rin ang talento at galing na mayroon ang bawat nilalang.
Imbes na mainggit o ikumpara ang sarili sa iba, mas mainam kung magpo-focus tayo sa ating sarili, sa kung ano mang kakayahang mayroon tayo at galingan pa nating lalo. Kumbaga, pagbutihin pa natin ang ating mga sarili nang makamit natin ang inaasam-asam na tagumpay—sa buhay, sa sarili at maging sa pakikipagrelasyon o pagsasama.
SIMULAN ANG ARAW NA POSITIBO ANG PANANAW
Maraming problema at pagsubok sa buhay. Kung minsan, dahil sa mga kinahaharap na hirap ay nais na nating sumuko. Napanghihinaan na kasi tayo ng loob.
Oo, alam naman nating laging may hirap at pasakit ang paglalakbay sa mundo. Pero hindi ito dahilan upang sumuko tayo sa buhay. Gamitin nating lakas ang mga pagsubok na nakakaharap natin sa araw-araw.
At bilang pagpapakita ng pagmamahal sa ating sarili, isa rin sa dapat nating makasanayan ang pagsisimula ng araw ng bukod sa masaya ay may positibong pananaw at pagtingin sa mga bagay-bagay.
Paggising pa lang sa umaga, ngumiti na at maging pisitibo. Mas magiging magaan din ang araw natin kung positibo ang itatak natin sa ating puso at isipan.
LUMAYO SA MGA TOXIC NA TAO AT RELASYON
May mga tao at relasyong “toxic” kung tawagin. May mga pagsasamang dinadalaw ng problema at pagsubok. Pero kung nanatili ang pag-ibig sa ating puso, bawat problema at pagsubok ay nahahanapan natin ng solusyon. Oo, sabihin mang nagkakaproblema kayo ng karelasyon mo o taong mahalaga sa iyo, pero at the end of the day ay masaya ka naman sa kanya. Wala iyong problema.
Importante nga naman ang kaligayahan. Importanteng maligaya tayo sa kabila ng mga nakasasalamuha natin sa buhay.
Pero kung ang isang tao o karelasyon ay nagiging dahilan ng pagsuko natin sa buhay at pagiging alangan sa pagkilos at pagsasalita, hindi ito magandang senyales.
Kaya naman, suriin natin ang mga taong nakapalibot sa atin, gayundin ang relasyong mayroon tayo. Kung sa tingin natin ay maituturing itong “toxic”, umiwas tayo.
Masama sa kalusugan gayundin sa pag-iisip ang pagsama o pakikisalamuha sa mga toxic na tao.
MATUTONG PATAWARIN ANG SARILI
Lahat din naman tayo ay nakagagawa ng mga pagkakamali. Kung minsan, may mga aksiyon o desisyon tayong nagagawa na hindi naman pala nakabubuti. Maliit man o malaki ang nagawa nating pagkakamali, matuto pa rin tayong patawarin ang ating mga sarili.
Maituturing na pagmamahal ang pagpapatawad sa sarili. Sabihin mang nagawa na natin ito pero hindi na natin ito mababago.
Kaya’t mas magiging maluwag ang loob natin kung sa mga nagawang pagkakamali ay nagagawa rin nating mapatawad ang ating sarili. At higit sa lahat, kung ano mang pagkakamali ang nagawa natin ay huwag na huwag na natin itong uulitin.
MAHALIN O TANGGAPIN ANG IMPERFECTION
Hindi lahat ng tao ay perpekto. Mayroon tayong mga pagkukulang o mga hindi kayang gawin.
Huwag nating ikasama ng loob ang mga kakulangan natin o imperfection. Mas magiging magaan ang ating loob kung mamahalin at tatanggapin natin ito.
MAGHANAP NG HAPPY PLACE
Mainam din ang paghahanap ng lugar na makapagpapaligaya sa iyo. O lugar kung saan payapang-payapa ang iyong pakiramdam.
Kumbaga, sa lugar na iyon ay mawawala ang lungkot na nadarama mo at magiging kalmado ka at masaya, positibo, natututong mangarap ulit at nagkakaroon ng panibagong dahilan para lumaban.
Mahalin natin ang ating sarili. Hindi lamang natin dapat na naibibigay o nabibili ang mga gusto natin kundi nakapaglalaan tayo ng panahong makapag-relax. Dapat din ay tinatanggap natin ng buong-buo ang ating sarili, sabihin mang may mga pagkukulang o imperfection tayo.
Maraming paraan ang puwede nating gawin na nagpapahiwatig ng pagmamahal natin sa ating sarili. Ilan lamang ang mga ibinigay naming paraan na maaari ninyong subukan. (photos mula sa balancestresstx.com, proflowers.com, bloatingtips.co.uk, explicitsuccess.com)
Comments are closed.