(ni CT SARIGUMBA)
SASALUBUNGIN natin ang Bagong Taon nang masaya at may iba’t ibang pagkaing espesyal nating inihanda. At higit sa lahat, hindi rin nawawala ang alak na pinagsasaluhan ng bawat magkakapamilya. Nakadaragdag nga naman sa pagiging espesyal ng okasyon ang alak at iba’t ibang pagkain.
Dahil nga hindi maiiwasan ang pag-inom ng alak sa pagsalubong ng Bagong Taon, narito ang ilang simpleng paraan nang hindi kaagad malasing:
GUMAWA NG PLANO
Kung tutuusin, lagi tayong nagpaplano sa mga gagawin natin o mga ihahanda natin ngayong holiday. Ngunit hindi lamang sa paghahanda ng mga pagkain o gagawin dapat tayong magplano kundi maging sa gagawing pag-inom ng alak sa naturang okasyon.
Oo, marami sa atin ang hindi naman gaanong umiinom pero dahil nga Bagong Taon, nakikisama sa mga kaibigan o kapamilya. May ilan namang talagang umiinom o kasama na sa kanilang buhay ang pag-inom ng alak.
Heavy drinker o occasionally drinker ka man, importante pa rin ang paggawa ng plano sa gagawing pag-inom. Sa pamamagitan ng pagpaplano ay maihahanda mo ang iyong sarili at hindi ka kaagad malalasing. Sa ganitong paraan din ay maihahanda mo na ang mga bagay na makatutulong sa iyo upang maiwasan ang malasing kaagad.
KUMAIN MUNA BAGO UMINOM NG ALAK
Unang-una sa ating listahan ay ang pagkain muna bago ang pag-inom ng kahit na anong klaseng alak. Kailangang may laman ang tiyan bago tu-mungga nang alak nang hindi kaagad malasing.
Kaya’t bago ang inuman, kumain muna ng mga pagkaing masusustansiya.
Huwag mag-skip ng pagkain. May ilan pa naman sa atin na dahil magkakainan, pinipiling mag-skip ng pagkain para nga ready sa kainan.
Hindi makatutulong ang ganito dahil habang ginugutom mo ang iyong sarili ay mas mapararami lang ang pagkonsumo ng pagkain. Paniguradong mas madaragdagan ang bigat mo sa katawan.
Kaya’t para maging healthy at maiwasan na rin ang malasing kaagad, siguraduhing may laman ang tiyan bago sumabak sa inuman o party.
MAGHANDA NG MGA INUMING MABABA ANG TAGLAY NA ALCOHOL
Sa paghahanda rin ng alcohol o alak, mas mainam din kung pipiliin ang mga inuming mababa ang alcohol content. Kung mababa ang alcohol con-tent nang inyong iinumin ay hindi kaagad kayo tatamaan o malalasing. Mas makatatagal din kayo sa inuman.
Maganda rin kung ang klase ng alak na bibilhin o ihahanda ay lighter colored drinks gaya na lang ng white wine, lighter color beers, vodka o kaya naman gin.
UMINOM NG TUBIG SA PAGITAN NG PAG-INOM NG ALAK
Isa ang strategy na ito sa nasubukan ko na. Dahil nga sa bawat handaan o pagtitipon na pinupuntahan namin ay hindi nawawala ang alak, kaya’t isa sa ginagawa ko nang maiwasang malasing kaagad ay ang pag-inom ng tubig sa pagitan ng pag-inom ko ng alak.
Nakatutulong nga naman ang pag-inom ng tubig upang manatiling hydrated ang katawan.
Bago rin matulog ay siguraduhin ang pag-inom ng tubig. Gayundin sa paggising sa umaga.
LIMITAHAN ANG PAG-INOM
Napakahalaga rin na may control tayo sa ating mga sarili. Kumbaga, limitahan ang pag-inom. Huwag ding pipilitin ang sariling uminom ng alak kung hindi na kaya. Dahan-dahan lang din ang gawing pag-inom. Huwag makikipagsabayan o makikipag-unahan sa iba.
PILIIN ANG LOW-CALORIE MIXERS
Sa mga mahihilig naman sa mix drinks, piliin naman ang low-calorie mixers gaya ng no-calories soda, tonic water o lemon and lime wedges nang maiwasang madagdagan ang calorie sa katawan. Mahirap din naman iyong nag-enjoy ka nga pero nadagdagan naman ang calorie mo sa katawan.
Marami naman talaga sa atin ang umiinom kapag holiday. Gayunpaman, maging maingat tayo sa pag-inom. Higit sa lahat. Maging responsible sa gagawing pag-inom ng alak. (photos mula sa who.int, thespruce.com)
Comments are closed.