SIMPLENG PARAAN NANG MAGING MASAYA NGAYONG 2019

HAPPY-1

MARAMING problema ang yumaya­kap-yakap sa atin sa araw-araw. Kaliwa’t kanang pagsubok ang tumatabi-tabi sa atin sa paghakbang natin sa mundo ng buhay. Hindi rin nawawala ang mga taong hinahamak at nag-aasam na bumagsak tayo sa kabila ng pagpupursige nating makaangat sa buhay.

Wala nga naman kasing perpektong tao. Karamihan din sa mga tao, mapanlinlang at mainggitin. Ayaw na ayaw nang nalalama­ngan. Pero wala namang ginagawa para umayon sa kanila ang tadhana.

Kung iisipin natin ang bawat problemang makasasalamuha natin sa paglalakbay natin sa mundong ito, mahihirapan lang tayo, mabibigatan. Hindi naman kasi madali ang buhay. At kung pahihirapan mo pa sa pag-iisip ng mga samu’t saring problema’t alalahaning hindi naman talaga nilulubayan ang kahit na sino, lalo lamang itong bibigat. Lalo lang tayong hindi makauusad.

Bagong Taon, bagong pag-asa. bagong buhay rin. Kaya naman, kung nitong nagdaang 2018 ay halos nakakusamot ang mukha mo o masasabitan na ng basket dahil sa kasisimangot mo, baguhin na ang nakagawiang iyan. Kaya ngayong 2019, gawing masaya at may bagong pag-asa ang iyong buhay. At para maging masaya, narito ang ilang mga simpleng paraan na maaaring gawin o subukan:

MAGPATAWAD NANG MAWALA ANG BIGAT NA DINADALA

FORGIVEMarami sa atin ang may kimkim na galit. Marami sa atin ang puno ng sama ng loob ang puso. Samu’t saring dahilan kung kaya’t may halimaw na naninirahan sa ating puso at dibdib.

Gayunpaman, gaano man kabigat ang dala-dala mong sama ng loob, bitawan mo iyan. Gaano man kasakit ang naidulot nito sa iyong puso at buhay, alisin mo na iyan sa sistema mo.

Hindi tama na kinikimkim mo sa puso at isipan ang mga masasamang bagay na nangyari sa buhay mo. Hindi tamang pagnaknakin mo ang sugat sa iyong puso. Sino o anuman ang na­ging dahilan ng sakit na nakaipon sa dibdib mo, pakawalan at bitawan mo na iyan nang makalaya ka na rin.

Habang may bitbit tayong problema o sama ng loob sa ating balikat, hindi tayo makauusad ng mabilis. Dahilan din ito kaya’t hindi tayo lubusang nagiging maligaya sabihin mang ma­rami tayong magandang pangyayari at bagay na nakamit sa buhay. Lagi’t lagi kasing may pumipigil na maging lubos ang ating kaligayahan—at iyan ang hinanakit o kung anumang pakiramdam na tila lintang ayaw humiwalay sa atin.

Oo, sumasama ang loob natin. Nasasa­ling ang puso. Minsan nga, naghihingalo na ang puso natin lalo na kung may nanakit dito. Ngunit hindi ibig sabihin niyon ay hahayaan nating maging hadlang ang mga taong nanakit sa atin para hindi tayo makausad sa buhay.

Magpatawad tayo.

Matuto tayong mag­patawad gaano man kalaki ang naging kasalanan ng isang tao sa atin. Dahil kung magpapatawad tayo ng bukal sa ating puso, gagaan at gaganda rin ang ating buhay. At higit sa lahat, malulubos din ang kaligayahang mararamdaman natin.

MAGING POSITIBO SA LAHAT NG PAGKAKATAON

POSITIVE.jpgPagiging positibo ang isa pang paraan para yakapin ang ating puso ng kaligayahan.

Alam naman nating maraming pagsubok at problema ang makahaharap natin sa paglalakbay natin sa mundong ibabaw.

Gayunpaman, huwag nating hayaang ang bawat problema at pagsubok ang maging daan para malunod tayo sa kalungkutan at hindi natin mabanaagan ang kaligayahan.

Maging positibo tayo sa lahat ng pagkakataon. Dahil kapag positibo tayo sa kabila ng mga negatibong nangyayari sa mundo, lagi’t lagi tayong magkakaroon ng dahilan para lumaban at maging maligaya.

IWASAN ANG GUMAWA NG MASAMA SA KAPWA

Likas na ang kasamaan sa marami sa atin. Walang pakialam sa kapwa basta’t magawa lang niya ang gusto niya.

Kunsabagay, hindi nga naman maitatangging may mga pangit na ugaling naglilimlim sa ating mga puso. At kapag nagising, tiyak na tila tigre itong hindi magpapaawat. Walang pakundangang magwawala. Maghahanap ng gulo.

Ano-ano nga ba ang kadalasang nagagawa ng isang tao sa kapwa nila?

BAD-1Tsismis, isa iyan sa masamang gawi na hilig na hilig hindi lamang ng mga kababaihan gayundin ng kabilang kasarian. Paninira sa kapwa, isa pa iyan sa nagiging daan kaya’t nagkakagulo-gulo ang magkakaibigan, magkakatrabaho at magkakapamilya.

Oo, hindi mabilang ng daliri sa paa at kamay natin ang mga tsismosa at mahilig manira. Pero ano ba ang naidudulot ng paninira at pagiging tsismosa, hindi ba’t gulo lang at stress. At kapag stress tayo, apektado na ang ating kaligayahan.

Kaya para maiwasan ma-stress at maging happy ngayong 2019, iwasan ang masasamang gawi. Maging mabuti sa kapwa. Sapagkat, habang nagiging mabuti tayo sa ating kapwa ay nagiging mabuti rin tayo sa ating mga sarili.

TUMULONG SA MGA NANGANGAILANGAN

Masarap din sa pakiramdam ang makatulong sa mga nangangailangan. Kung may pagkakataon namang makatulong sa kapwa, huwag magdalawang isip na gawin iyon.

Huwag tayong magdamot kung kaya naman nating magbigay o mag­handog ng tulong.

Sa totoo lang, iba rin kasi ang ligayang nai­dudulot kapag nakatutulong tayo sa mga kapus-palad.

MAGMAHAL NG TOTOO

LOVE-1Minsan, nagiging peke ang pagmamahal lalo na kung mayroon itong bahid ng kasamaan. May ibang nagsasabing mahal nila ang isang tao sapagkat may nais silang makuha pabalik. Kung may hinahangad o inaasam na para sa kanyang sarili.

Kung minsan ay nagiging mapagpanggap ang pag-ibig. Pero ang mapagpanggap na pag-ibig kailanman ay hindi magtatagal. Mabubuking at mabubuking din iyan. At baka dahil sa gawain mo, ikapahamak mo pa iyan.

Hindi madali ang magmahal. Kung minsan ay maraming nagiging hadlang upang magmahal tayo ng tapat at totoo. Gayunpaman, mahirap mang magmahal dahil na rin sa hindi mabilang na anino nito, mainam pa rin kung totoo ang pag-ibig na ipakikita at ipararamdam natin—sa ating kapamilya, katrabaho at maging kaibigan.

Dahil sa paghahandog ng tunay na pag-ibig ay mararamdaman mo ang tunay na kahulugan ng kaligayahan. Wala kasing bahid kaya’t wala ka ring ikinatatakot. Wala ring hangganan o bahid ang ligayang yayakap sa iyong buong pagkatao.

Maraming paraan upang lumigaya tayo ng lubos ngayong 2019. Nasa iyong mga kamay ang paraan. CT SARIGUMBA

Comments are closed.