SIMPLENG PARAAN NANG MAGING RESPONSABLENG BIYAHERO

BIYAHERO-1

(Ni CT SARIGUMBA)

PAGIGING responsable sa lahat ng bagay, iyan ang dapat nating matutunan. At kapag sinabing sa lahat ng bagay, kasama riyan ang responsableng biyahero o manlalakbay.

Masarap nga naman ang makarating sa iba’t ibang lugar. Ang dantay ng hangin sa ating balat ay kapayapaan ang dulot sa ating kabuuan. Kusa ring pinangingiti ng kagandahan ng paligid ang ating pisngi at puso. Ilan lamang iyan sa kagandahang naidudulot ng pagta-travel sa bawat isa sa atin.

At dahil napakara­ming naidudulot ang pagta-travel sa ating kabuuan gaya nga ng napasasaya tayo’t nare-relax, importante ring natututunan natin ang pagiging responsable lalo na kung nasa ibang lugar o bansa tayo.

Kaya sa mga magta-travel o papasyal sa iba’t ibang lugar sa loob at labas ng bansa, narito ang ilang tips na dapat na isaalang-alang upang maging responsible traveler:

TIKMAN ANG LOCAL FOOD

Bukod sa nakahahalinang ganda ng paligid, isa pa sa dahilan kung kaya’t dinarayo ng marami sa atin ang isang lugar ay dahil sa sarap ng mga pagkaing matitikman. Bawat lugar ay may kanya-kanyang ipinagmamalaking putahe. Sayang naman kung nakarating na tayo sa natu­rang lugar at hindi natin titikman ang kanilang pagkaing binabalik-balikan.

Isa ring paraan upang maging responsible traveler ay ang pagsubok o pagkain ng mga local food. Natikman mo na ang kanilang ipinagmamalaking pagkain, nakatulong ka pa sa mga negosyante sa lugar.

SHOP LOCALLY

Bukod sa pagkain ng mga ipinagmamala­king putahe ng isang lugar, pangalawa sa ating listahan para masabi o maging responsible traveler ay ang pami­mili ng produktong gawa ng nasabing lugar.

Bukod nga naman sa pagkain, may mga produkto ring ipinagmamalaki na sa kanila lamang makikita.

Hindi nga naman umuuwi ang marami sa atin kapag walang nabiling souvenirs para sa mga kaibigan at kapa­milya. At kung mamimili ng souvenir, piliin ang gawa ng mga local at nang makatulong.

Bukod sa paniguradong maganda ang gawa ng mga local, matutulungan mo rin ang maliit na negos­yong mayroon sila.

ALAMIN ANG KULTURA NG LUGAR AT IGALANG

Bago rin tayo magtungo sa isang lugar, huwag din nating kaliligtaang alamin ang kanilang kultura.

Talaga nga namang nagre-research tayo kung anong lugar ang magandang dayuhin at may inihahandang masasarap na pagkain. Pero bukod sa lugar at pagkain, alamin din ang kultura ng natu­rang lugar at igalang ito.

May mga lugar o bansa na konserbatibo pagdating sa pananamit. Alamin natin  ito at sundin nang hindi rin tayo magkaroon ng problema.

HUWAG BASTA-BASTA MAGTATAPON NG BASURA

Kahit naman nasa sarili tayong lugar, hindi naman tamang magtapon tayo ng ba­sura sa kung saan-saan. Siyempre, kasama na sa pagiging responsableng tao ang pagtatapon ng basura sa basurahan. Kung wala namang makitang basura, ilagay na muna sa bulsa o bag at saka na lamang itapon.

Kung gaano tayo kaingat sa bahay natin, gayundin ang gawin natin kapag nasa ibang lugar tayo. Huwag tayong basta-basta magtatapon ng basura. Maging malinis tayo nang hindi naman tayo maka-offend ng tao o masabihan ng masama.

IBAHAGI ANG NATUTUNAN SA PAGTUNGO SA ISANG LUGAR

Maganda rin kung ibabahagi mo ang mga natutunan sa pinuntahang lugar. Halimbawa na lang ay may mga kaibigan at kapamilya kang nagpaplano ring magbakasyon, maaari mong sabihin sa kanila ang mga magagandang nasaksihan mo sa pinuntahang lugar, mga pagkaing katakam-takam at kung ano-ano pa.

Bukod din sa pagkukuwento, isa ring paraan upang maibahagi sa nakararami ang lugar na dinayo ay sa pamamagitan ng pagsusulat.

Hindi rin naman kailangang maging magaling ka sa pagsusulat. Basta’t ilarawan mo lang ang dinayo mong lugar at nararamdaman mo sa pagtungo roon, makabubuo ka na ng magandang article.

Napakasarap ang magliwaliw. Pero mas magiging masarap iyan sa pakiramdam kung isasapuso at isasaisip mo ang pagiging responsable. (photos mula sa madmonkeyhostels.com, ambyzee.com, migrationology.com)

Comments are closed.