(ni CT SARIGUMBA)
NGAYONG holiday, may mga bisitang bigla-bigla na lang kung dumating nang walang pasabi. May ilan na sinosorpresa tayo’t hindi nagsasabing darating.
Ibang-iba nga naman dito sa Pinas. Kung sa ibang bansa, hindi ka puwedeng magpunta sa bahay ng kakilala mo o kamag-anak ng walang pasabi dahil tiyak na hindi ka papapasukin, dito sa Pinas, may pasabi man o wala ay tinatanggap, pinapapasok at pinakikitunguhan tayong mabuti.
At dahil nga masyado tayong mabait kapag may dumarating na bisita, narito ang ilang tips na dapat nating isaalang-alang nang maging handa ang ating tahanan sa pagdating ng mga bisita ngayong holiday:
LAGING LINISIN ANG TAHANAN
May ilan sa atin na kapag walang bisitang darating ay hindi naglilinis ng bahay o hinahayaan na lamang na makalat ito. Kung saan-saan inilalagay ang mga gamit. Kung saan-saan ipinapatong.
At kapag may bisita o nalamang may darating na kapamilya, kaibigan o kamag-anak ay saka lamang aligagang maglinis ng tahanan nang maging presentable ito.
Sa totoo lang, hindi naman natin nalalaman kung kailan darating ang mga bisita lalo na ngayong holiday. May ilan na bigla-biglang sumusulpot.
At upang maihanda ang tahanan sa pagdating ng bisita—inaasahan man o hindi—ugaliin ang paglilinis ng bahay. Huwag magkakalat at ibalik sa mga pinagkakalagyan ang mga gamit o bagay.
Mainam din kung ang maliliit na kalat ay lilinisin o aayusin kaagad nang hindi na ito magdulot ng mas malaking problema o linisin.
GAWING PRESENTABLE ANG DOOR WAY
Para rin maging presentable ang pagpasok ng mga bisita sa tahanan, mainam kung pagagandahin at aayusin ang door way o pasukan. Maganda rin kung lalagyan ng halaman at dekorasyon ang magkabilang gilid ng pintuan.
Siguraduhin ding malinis ang buong kabahayan. Gaya na lang ng sahig. Isa sa dapat natig siguraduhing malinis ay ang sahig dahil kung basa ito o marumi, maaaring maging dahilan ng disgrasya.
Siguraduhin ding malinis at maayos ang mga kurtina. Magiging presentable rin ito kung papalitan ng mga makukulay na kurtina na swak sa natatanging okasyon.
MAGHANDA NG GUEST SUPPLIES
Dapat nga namang lagi tayong handa sa kahit na anong pagkakataon at panahon. At ngayong holiday, alam naman nating maraming puwedeng dumating na bisita, makatutulong kung maghahanda na tayo ng mga supplies o gamit na kakailanganin ng ating mga bisita.
Ilan sa mga dapat ihanda ay ang malinis na towel, toothbrush at toothpaste, sabon at shampoo, tuwalya gayundin ang gagamiting silid lalo na kung magtatagal sila o napagpasiyang doon na matulog o magpalipas ng gabi.
LAGYAN NG LABEL ANG MGA GAMIT LALO NA ANG INUMIN
Para rin hindi mahirapan ang ating mga bisita, makatutulong din kung lalagyan natin ng label ang mga gamit o inumin. Halimbawa na lang ang kape, creamer at asukal.
May ilan sa atin na para magandang tingnan ang mga gamit, inilalagay natin ito sa lalagyan na magkakapareho. Kaya’t para hindi malito ang mga darating na bisita, lagyan ng label ang mga gamit o bagay.
Kapag may label din ang mga gamit lalo na ang mga pagkain at inumin ay maiiwasan ang problema o sakuna.
MAGHANDA NG MGA PAGKAING SWAK SA BATA
Dahil holiday, hindi lamang mga matatanda ang excited kundi maging ang bagets. Kaya’t importante ring nakapaghahanda tayo ng mga pagkaing sa tingin natin ay kagigiliwan ng mga bata. Sakali nga namang may dumating na bisita na mayroong kasamang bata, may maihahanda tayo sa kanila.
ILAGAY SA BOX O STORAGE ANG MGA LARUAN
Kung may mga bata naman kayo, para maiwasan ang problema ay ugaliing naliligpit ng inyong mga anak ang kanilang laruan matapos itong gamitin.
Ngayon pa lang, dapat ay tinuturuan na natin ang ating mga anak kung paano nila lilinisin at aayusin ang kanilang mga gamit. Maghanda ng storage box nang may mapaglagyan ang inyong mga anak.
Sikapin din na nailalagay ang mga maliliit na laruan sa lalagyan ng mga anak nang may dumating mang bisita, maiwasan ang sakuna.
Maraming simpleng tips na maaari nating subukan upang maihanda ang ating tahanan ngayong holiday. Bukod din sa paghahanda ng tahanan, ihan-da rin ang sarili. Hindi lahat ng mga magiging bisita natin ay masasabing makakasundo natin. May ilan na puwedeng magalit o mainis tayo kaya’t dapat ay handa tayo.
Higit sa lahat, ipakita natin sa ating mga bisita na welcome sila sa ating tahanan. (photos mula sa newsyahoo, dissolve.com, freepick at bouapp.co)
Comments are closed.