(ni CS SALUD)
WALANG panahon ang marami sa ating maglinis ng tahanan. Sa kaabalahan nga naman, kadalasan ay ipinagpapaliban natin ang paglilinis at pag-aayos ng bahay. May iba ngang kahit na ang magdekorasyon ay walang panahon.
Kunsabagay, mahirap nga namang isingit ang paglilinis at pag-aayos ng bahay sa mga kailangan nating tapusin sa araw-araw lalo na kung nagtatrabaho pa tayo o nag-oopisina. Pero siyempre, kailangan din nating maglaan ng panahong malinis at maayos ang ating tahanan. Mahalagang nalilinis natin ng maayos ang ating tahanan nang maging healthy ang buong pamilya.
Kaya’t dahil alam kong abala ang marami sa inyo, narito ang simpleng tips nang mapadali ang paglilinis ng tahanan—may okasyon man o wala:
MAG-INVEST NG GAMIT SA PAGLILINIS
Unang-una, kailangan mag-invest ka ng tamang tools. Hindi puwedeng kung ano na lang. Mas mapapadali rin kasi ang paglilinis kung maayos at maganda ang ginagamit mong kagamitan. Kaya kung bibili, mas maganda kung iyong matibay na ang bibilhin mo para pang matagalan. Huwag ding basta-basta bibili ng mumurahin para lang sabihing may magagamit kang tools. Kumbaga, kilatisin muna ang mga bibilhin. Tingnan muna ang kagandahan ng mga bibilhin mong tools.
Mas maganda rin kung ang pipiliin mo ay pang matagalan na para hindi masayang ang perang ipinambili mo.
MAG-SCHEDULE KUNG KAILAN SISIMULAN ANG PAGLILINIS
Pangalawa na kailangang gawin ay ang paglalaan ng panahon kung kailan sisimulan ang paglilinis ng tahanan.
Oo, may ilan sa atin na hindi nagagawa ng isang araw ang paglilinis lalo na kung sobrang makalat at magulo ito.
Puwede rin namang kasing paisa-isang lugar o kuwarto ang lilinisin. Halimbawa ay simulan mo muna sa kuwarto o kusina. Tapos sa isang linggo naman ang kasunod na lugar.
Mas mainam ang paggawa ng schedule kung kailan sisimulan ang paglilinis at kung ano ang uunahin. Mag-stick din sa gagawing schedule nang masimulan at matapos ang gagawing paglilinis.
Puwede ring unti-untiin ang paglilinis nang hindi gaanong mapagod.
SIMULAN SA CEILING ANG PAGLILINIS
Sa paglilinis din ng tahanan, napakahalagang sa itaas na bahagi ka magsisimula paibaba nang hindi madoble ang gagawin. Kaya simulan na muna ang paglilinis sa ceiling paibaba nang isang linisan na ang magawa at matapos kaagad. Kumbaga, linisin muna ang ceiling, bintana patungong sahig.
Huwag ding kaliligtaang linisin ang exhaust fan, electric fan at aircon.
MAGING PURSIGIDO SA GAGAWIN
Marami sa atin ang kahit na naka-schedule na ang gagawing paglilinis ng tahanan ay ipinagpapaliban pa rin. Kung minsan kasi, nakatatamad ang maglinis. Para bang gusto na lang nating magpahinga lalo’t pagod tayo sa buong pagtatrabaho sa opisina.
Kung tatamarin at hindi pipilitin ang sarili, talagang mahihirapan tayong simulan ang mga gagawin. Kaya’t mainam na pilitin ang sarili. Maging pursigido sa gagawin nang masimulan at matapos ito sa takdang panahon.
HUMINGI NG TULONG SA KAPAMILYA
Mapadadali rin ang isang gawain kung hihingi ng tulong sa kapamilya o mahal sa buhay.
Puwede ninyong gawing bonding ang paglilinis ng bahay. Hindi naman kailangang sagarin ninyo ang sarili sa paglilinis. Kung ano lang iyong matapos ninyo ay okay na. Hindi nga ba’t mas maganda iyong may nasimulan kayo kaysa sa wala.
GAWING KASIYA-SIYA ANG PAGLILINIS
Kapag kasama nga naman natin sa paglilinis ang bawat miyembro ng pamilya, nagiging madali ang gawain.
Magiging kasiya-siya rin ang paglilinis at pag-aayos ng tahanan kung kompleto at tulong-tulong kayo ng mahal mo sa buhay.
Para rin mapadali ang paglilinis, puwede ninyong paghati-hatian ang gagawing paglilinis.
Kumbaga, iyong mga madadali lang gaya ng pagpupunas at pagwawalis ay maaaring ipagawa sa mga bata.
UNTI-UNTIIN ANG PAGLILINIS NANG ‘DI MAHIRAPAN
Mainam din kung pananatilihing organisado at maayos ang tahanan. Huwag ding hahayaang magkalat ang bawat miyembro ng pamilya. Kumbaga, kung may gamit o bagay mang gagamitin, ibalik kaagad ito sa tamang lalagyan matapos gamitin.
MAKINIG NG MUSIKA HABANG NAGLILINIS
Makatutulong din ang pakikinig ng musika habang naglilinis nang maengganyo sa ginagawa.
Marami nga namang naitutulong sa atin ang pakikinig ng musika kaya’t subukan ito habang naglilinis.
Mas ma-e-enjoy mo rin ang iyong ginagawa kapag may napakikinggan kang musikang maganda sa iyong pandinig.
MAG-CELEBRATE PAGKATAPOS NA MAGLINIS
Para rin mawala ang pagod ng buong pamilya, mainam din kung magsi-celebrate kayo pagkatapos ninyong malinis ang inyong buong kabahayan.
Puwede kang magluto ng masarap na putahe para sa buong pamilya. Swak din ang panonood ng paboritong palabas kasama ang mahal sa buhay.
Maraming paraan nang pagsi-celebrate bukod sa pagtungo sa mall o pagkain sa labas. Kahit sa loob lang kayo ng bahay, puwedeng-puwede pa rin kayong mag-enjoy.
Oo, nakatatamad naman talaga ang maglinis ng bahay lalo na kung hindi lamang ito ang pinagkakaabalahan o iniisip natin.
Gayunpaman, gaano pa man kahirap ang isang bagay pero kung gusto mong gawin ito, magagawa mo. (photos mula sa cleanmyspace.com, hoemed-it.com, youraustinstorage, zippyshell.com)
Comments are closed.