SIMPLENG PARAAN NANG MAPADALI ANG PAGTATRABAHO SA ARAW-ARAW

happy working

(NI CT SARIGUMBA)

KAHIT na sabihing mahal natin ang ating trabaho, hindi pa rin natin masasabing sa bawat araw na ginagawa ito ay kinatutuwaan at nasisiyahan tayong gampanan ito.

Minsan, lalo na kung medyo hindi maganda ang gising o pagod tayo at stress, nangyayaring ang simpleng gawain ay humihirap.

Narito ang simpleng paraan upang madapali ang pagtatrabaho sa araw-araw:

SIMULAN ANG PINAKAMAHIRAP NA GAWAIN

May mga pagkakataong sa rami ng kailangang gawin, napapagod na tayo kahit wala pang gawaing nasisimulan. Sinasalakay na ng katamaran lalo na kapag nakita ang tambak na trabahong kailangang gampanan.

Para maiwasan ang problema at magawa ng maayos ang mga gawain, mainam kung uunahin ang mga bagay na mahihirap o gugugol ng mas matagal na oras.

Mas kakailanganin mo rin ng linaw ng isip at lakas para sa mga gawaing mas mahirap kaysa sa madaling trabaho.

Kaya’t para hindi mamroblema at mahirapan, unahin ang mga gawaing alam mong mahihirapan o matatagalan bago matapos.

MAG-RELAX KUNG HINDI PA MAGAWANG SIMULAN ANG GAWAIN

May mga pagkakataon din namang kahit na nasa opisina pa tayo, hindi pa natin magawang simulan ang trabaho. Madalas ay pinipiga ang utak at pi­nipilit ang sarili para lang masimulan ang mga gawain.

Hindi makatutulong ang pagpilit sa sarili at ang pagpiga sa utak nang gumana ito at mag-isip.

Ang mas magandang gawin ay ang mag-relax na muna ng ilang minuto. Maaaring magbasa-basa muna o magmasid-masid sa labas ng opisina. Puwede rin namang humigop muna ng mainit na kape nang mabuhayan ang pakiramdam. At kapag ready ka na sa pagtatrabaho, saka magsimula.

IWASAN ANG MULTITASKING

Maraming pagkakataon na nakabubuti ang multitasking. Gayunpaman, para makapag-focus ay mainam kung iiwasan ito. Kumbaga tapusin muna ang isang gawain bago magsimula ulit ng panibago.

Sabihin mang sa pamamagitan ng pagmu-multitask, pakiramdam natin ay marami tayong natatapos na gawain. Pero sa totoo lang, dahilan ito upang bumagal o hindi ka kaagad makatapos ng isang trabaho.

Mas mainam kung magpo-focus muna sa isang task saka magsimula ng iba pang gawain kapag natapos. Sa ganitong pro­seso rin ay mas mapadadali ang pagtatrabaho dahil malinaw ang iyong isipan.

MATUTONG HUMINDI O UMAYAW KUNG HINDI KAYANG GAWIN

Hindi naman masama ang humindi o umayaw sa isang gawain lalo na kung marami kang kailangang tapusin o hindi mo ito magagampanan ng mabuti.

Kaya naman, kung may panibagong task o trabahong ipinagagawa sa iyo at hindi naman sakop ng iyong gawain, hindi masama ang humindi o umayaw.

PANATILIHIN ANG PAGIGING ORGANISADO SA LAHAT NG BAGAY

Importante rin ang pagiging oraganisado sa lahat ng bagay at pagkakataon nang mapadali ang bawat gawain. Ilan sa mga kailangan mong siguraduhing organisado ay ang iyong computer, laptop, cellphone, lamesa at mga folder sa opisina.

Kung maayos ang mga bagay-bagay, mas magagawa ang nakaatang na gawain at matatapos ito kaagad.

MAGTANONG KUNG MAY HINDI NAINTINDIHAN

Importante rin ang pagtatanong sa boss o mga kasamahan sa trabaho kung may hindi naintindihan sa task na kailangang tapusin o sa pinag-usapan sa meeting. Kaysa ang manghula, mainam kung lalapit sa boss o kasamahan sa trabaho para magtanong nang maliwanagan.

MAKINIG NG MUSIKA

Mainam din ang pakikinig ng musika upang gumaan ang pakiramdam. Kung maingay rin sa lugar na pinagtatrabahuan at hindi makapag-focus, makatutulong din ang pakikinig ng musika.

Nakatutulong din ang musika upang makapagtrabaho ng mabilis at maayos.

MATUTONG MAGPAHINGA SA PAGITAN NG PAGTATRABAHO

Malaki rin ang naitutulong ng pagpapahinga o break sa pagitan ng bawat gawain nang makapag-isip at magawa ng maayos ang trabaho.

Kaya ugaliin ang pagtayo-tayo sa pagitan ng pagtatrabaho nang ma-refresh ang isipan.

Maiiwasan din nitong manakit ang iyong balakang, likod at braso.

IWASANG MA-STRESS

Isa pa sa nakababagal ng pagtapos ng isang gawain ay ang stress. Maraming dahilan kung kaya’t nakadarama tayo ng stress sa opisina gaya na lang ng katrabaho, mga isyu at tsismis.

Hindi maiiwasan ang stress, gayunpaman, hangga’t maaari ay lumayo rito nang hindi rin maapektuhan ang trabaho.

Napakaraming paraan upang mapadali ang pagtatrabaho natin sa araw-araw. Makatutulong ang mga ibinahagi namin sa inyo. Pero higit na makatutulong sa iyo—ang iyong sarili. Ikaw mismo.

(photos mula sa blog.granted.com, lexi-lomax.mykajabi.com)

Comments are closed.