(ni CS SALUD)
KARAMIHAN sa atin ay may pakialam sa look o histura. Marahil may ibang kalalakihan o kababaihan ang tila balewala sa kanila kung ano ang tingin sa kanila ng iba. May ilan pa naman na sa kabuuan o hitsura nakabase at hindi sa galing o talento nito.
Marami sa atin ang nagnanais o nag-aasam na maging fashionista o stylish. At dahil malaki ang porsiyento ng mga kalalakihan at kababaihan na nagnanais na magkaroon ng presentableng look, narito ang ilan sa habits o paraan na puwedeng subukan:
DAMIT NA SWAK SA KAHIT NA ANONG OKASYON
Masarap nga naman ang bumili nang bumili ng mga damit. May ilan sa atin na kapag nakakita ng sale ay binibili kaagad. Ang iba naman, kahit na hindi kailangan at nakakita ng magandang outfit ay hindi nagdadalawang isip na gumastos. Dahilan nila, malay mo ay kailanganin. Buti na nga naman iyong handa.
Bukod sa mga nabanggit, may ilan din na bumibili ng outfit na sa iisang okasyon lamang swak. Hindi nga naman maiiwasan ang ganoon. Halimba-wa na lang ay kapag Pasko, gusto nating may bago tayong outfit at nais nating ilarawan din ng suot natin ang natatanging okasyon.
Oo, maganda nga naman iyon. Kaso lang, isang beses mo lang itong magagamit. O kung magamit mo man ulit, hihintayin mo na sumapit ang Pasko. Ibig sabihin, halos isang taon itong nakatambak sa closet mo.
Para nga naman hindi masayang ang pera, mainam kung bibili ng isang outfit na swak sa kahit na anong okasyon. Hindi lamang dapat sa iisang okasyon puwede mong suotin ang isang outfit, kundi sa kahit na anong pagtitipon.
Kaya’t sa susunod na bibili ka ng outfit, siguraduhing akma ito sa ano mang okasyon.
SIGURADUHING TAMANG-TAMA ANG PAGKAKA-FIT NG OUFIT
Marami tayong makikitang magagandang damit at sapatos na kadalasan ay sale o mura lang. Pero kapag sale ang isang produkto, kung minsan ay wala na itong gaanong available na sizes. May pagkakataon pa namang kapag gustong-gusto ito ng isang tao, kahit na may kaliitan ang outfit o ba-hagyang maluwag, binibili na rin. Sayang kasi. Bukod sa sale ay maganda pa.
Pero mas mainam ang pagbili ng outfit na tugma sa hugis at laki ng iyong katawan nang ma-emphasize ang ganda nito. Mas lalabas din ang iyong pagiging stylish o fashionista kung swak o tama ang pagkaka-fit nito sa iyo.
SUBUKAN ANG PAGSUSUOT NG ACCESSORIES
Hindi lahat ng kababaihan at kalalakihan ay nagsusuot ng accessories. Pero nakadaragdag ng ganda ng kabuuan ang pagsusuot ng accessories. Kaya naman, puwedeng-puwede itong subukan. Mas lalo ring nagiging stylish ang isang tao kung dinaragdagan nito ng accessories ang kanyang outfit.
Kung simple nga lang naman ang suot na damit, mainam na lagyan ito ng accessories nang mamukod-tangi at maging presentable ang iyong ka-buuan.
PLANUHIN ANG SUSUOTIN
Para rin laging maganda ang hitsura—nagmamadali man o hindi— ay mainam din kung paplanuhin ang susuotin. Kumbaga, gabi pa lang ay pag-isipan na ang susuotin kinabukasan. Maiiwasan mo ring ma-stress kung alam mo na ang iyong susuotin kinabukasan.
Mahirap nga naman ang mag-isip ng isusuot. At kung nagmamadali tayo, kadalasan, kung ano na lang ang makita nating outfit ay iyon na lang ang isinusuot natin. Kung minsan tuloy, hindi ito gaanong stylish. O may pagkakataon pa ngang hindi bagay sa atin.
At para maiwasan ang ganitong pangyayari, pag-isipan at pagplanuhan na kaagad ang susuotin sa gabi pa lang.
Madali lang naman ang maging stylish o fashionista lalo na kung gugustuhin mo. (photo mula sa pinkcolumn.com)
Comments are closed.