SIMPLENG PARAAN PARA MAIWASAN ANG MAYA’T MAYANG PAGKAGUTOM

HUNGRY

(Ni CS SALUD)

MASARAP ang kumain. At kapag maraming putahe ang nasa ating harapan, hindi natin na-pipigil ang sariling mapakain ng sobra. Madalas din kasi, hindi natin na-e-enjoy ang pagkain lalo na kung kakaunti lang ang kinain natin. Para sa atin, kapag marami tayong kinain ay saka lang tayo nasisiyahan.

Ngunit hindi mabuti sa katawan ang pagkain ng sobra. Kailangan ding maging mapili at maingat tayo sa ating kinakain nang mapanatiling healthy ang ating kabuuan.

Pero puwede nga bang ma-enjoy ang pagkain kahit na hindi kumakain ng marami?

Posibleng ma-enjoy natin ang pagkain kahit na hindi tayo kumakain ng sobra lalo na kung magiging mapili tayo sa ating kinakain. Narito ang i­lang tips para ma-enjoy ang pagkain at maiwasan ang maya’t mayang pagkagutom:

KUMAIN NG PROTEIN SA AGAHAN

Hindi mabilang ang mga taong walang ganang mag-agahan o iyong indibiduwal na walang panahong kumain sa umaga dala ng pagmamadali.

Pero napakahalaga ang pagkain ng agahan dahil ito ang magbibigay sa iyo ng lakas sa buong araw. At hindi rin kung ano-anong pagkain ang puwede na­ting kainin sa agahan. Marami pa naman na basta’t makakain lang ng almusal, okey na.

Nang hindi maiwasan ang maya’t mayang pagkagutom o pag­hahanap ng pagkain, isa sa dapat na isaalang-alang ay ang pagkain ng protein sa umaga. Isa sa puwedeng ihanda ay ang omelet. Kaya kung mahilig ka sa waffles sa umaga, palitan na ito ng healthy at protein rich food.

Sa pagkain ng protein rich food ay maiiwasan ang maya’t mayang pagkagutom.

KUMAIN NG TATLONG BESES SA ISANG ARAW

Kapag marami tayong ginagawa, hindi talaga maiiwasan ang makaramdam ng gutom. Kaya’t sa mga panahon o sandaling kumakalam ang ating sikmura, nag­hahanap kaagad tayo ng maipanlalaman.

Para maiwasan ang overeating at ma-enjoy ang pagkain, mahalagang iwasan natin ang nakasanayan nating pag-skip ng meals. Dahil habang nag-skip ng meal ang isang tao, lalo lamang itong mahihirapang kontrolin ang appetite. Mas mapararami ang kain nito na maaa­ring maging dahilan ng overeating at pagtaba.

KUMAIN NG GULAY AT PRUTAS

Upang hindi rin masobrahan ang pagkain, mainam din kung kahihiligan ang gulay at prutas. Ang mga gulay ay mayaman sa water at fiber.

Mainam sa katawan ang gulay at prutas kaya’t isama ito sa diyeta nang ma-enjoy ang pagkain kahit na hindi kumukunsumo ng sobra. Sa pamamagitan din ng pagkain ng gulay at prutas ay maiiwasan ang maya’t mayang pagkagutom o paghahanap ng makakain.

UMINOM NG TUBIG AT IWASAN ANG SODA

Sanay na ang ma­rami sa atin na matapos kumain, soda o soft drinks kaagad ang hinahanap. Mas nabubusog umano ang ilan kapag soft drinks ang iniinom matapos ang kumain.

Gayunpaman, alam naman nating hindi mainam sa katawan ang pagkahilig sa soft drinks o matatamis na inumin.

Bukod pa roon, hindi rin nakatutulong para mabusog ka o maramdaman mong busog ka kung iinom ka ng mga inuming mataas ang taglay na calorie. Maaaring pagkainom mo ay maramdaman mo ang kabusugan ngunit, mamaya lang ay maaa­ring mawala ito.

Para maiwasan ang overeating, mainam din ang pag-inom ng tubig bago kumain.

SATISFY YOUR SWEET TOOTH GAMIT ANG MASUSTANSIYANG PARAAN

Hindi puwedeng mawala ang dessert pagkatapos kumain. May ilan na hindi nabubusog o nasisiyahan kapag walang dessert.

Hindi naman masama ang kumain ng dessert o matatamis pero hinay-hinay lang. Kung mahilig sa matatamis, piliin ang prutas kaysa sa cake. Kung ayaw mo namang puro prutas lang, puwede mo itong isama sa yogurt.

Maraming paraan upang ma-enjoy natin ang pagkain nang hindi kumakain ng sobra. Hindi nasusukat ang pagkabusog sa rami ng kinain kundi sa sustansiyang dulot nito sa katawan.  Nguyain din nating mabuti ang ating kinakain nang malasap natin ang sarap nito at mabusog kaagad. (photo credits: medicalnewstoday, guidedmind, marksdailyapple)

Comments are closed.