KUNG mayroon mang isang pinakaaasam-asam ang marami, iyan ay ang pagkakaroon ng sariling tahanan. Iyong bahay na masasabi nilang kanilang-kanila. Pinaghirapang ipundar. Dugo, pawis at sakripisyo ang ipinuhunan makamit lamang.
Wala nga namang tao ang hindi nangarap na magkaroon ng sariling tahanan. Gayunpaman, napakahirap makamit ang pangarap na ito sapagkat hindi naman lahat ng tao ay mayroong sapat na kakayahang makapagpatayo o makabili ng sariling tahanan. Hindi lahat, afford ang magkaroon ng bahay. May ilan na hanggang ngayon, nag-iipon pa rin.
At sa mga hindi afford ang makabili o makapagpatayo ng sariling bahay, isa sa ginagawa nila ay ang pangungupahan. Oo, medyo mabigat ang ganitong proseso o sitwasyon. Kumbaga nagbabayad ka buwan-buwan pero hindi naman mapapasaiyo ang bahay. Maliban na lang kung rent to own ang kinuha mo.
Sabihin man nating sariling bahay o nagrerenta lang tayo, isa sa hindi puwedeng palampasin ay ang pagdedekorasyon nito. Ang pagpapaganda at pag-aayos ng lugar na ating inuuwian at pinagpapahingahan ay laging nangunguna sa ating listahan.
Masarap nga namang umuwi sa isang lugar na malinis at maayos. Iyong lugar na kahit pa sabihing nirerentahan mo lang, masasabi mong sa iyo kahit na pansamantala lang.
Kaya naman, sa mga nagrerenta ng bahay o kuwarto, narito ang ilang simpleng paraan sa pagdedekorasyon:
PLANUHIN ANG GAGAWING PAG-DEDEKORASYON
Bago pa lang simulan ang gagawing pagdedekorasyon, planuhin muna ito. Unang kailangang gawin ay tingnan ang kabuuan ng lugar. Alamin kung ano-ano ang mga kailangang ayusin: bintana, sahig, dingding. Ilista din ang mga kailangang bilhin. Take note, bilhin lang ang mga importante o kakailanganin. Kung minsan kasi, sa pagdedekorasyon o sa kagustuhan nating gumanda ang isang lugar, kung ano ang maisipan nating ilagay ay inilala-gay natin. Kung ano ang magustuhan nating bilhin, binibili natin.
Sa pagbili ng home accessories, isaalang-alang ang pagiging akma o swak nito sa paglalagyan.
Importante ang pagpaplano sa gagawing pagdedekorasyon o pagdidisenyo ng tahanan/kuwarto upang malaman mo kung ano-ano ang mga kailangang ayusin o baguhin. Kung anong parte o bahagi ang nangangailangang pagandahin.
GAMITIN ANG MGA SARILING STUFF SA PAGDEDEKORASYON
Hindi mo rin naman kailangang bumili pa ng mga pandekorasyon kung may magagamit ka naman. Kumbaga, ang bahay ay nagre-reflect sa pagkatao ng nakatira rito. Kaya’t puwedeng-puwede mong magamit sa pagpapaganda ng iyong tahanan ang mga picture, old furniture o antiques at iba pang unique decorative items na may sentimental value. Hindi lamang ito makapagdudulot ng ganda at ‘cozy’ sa inyong bahay o kuwarto kundi ipinakikita nito ang pagiging creative at maging ang attitude ng mga nakatira rito. May mga kuwento rin naman ang mga bagay na pag-aari natin kaya’t mainam din itong gamiting pandekorasyon. Kumbaga sa dekorasyon pa lang, may maibabahaging kuwento ka na sa iyong mga bisita.
REMOVABLE STYLES SA WALL
Isa rin sa magandang lagyan ng dekorasyon ay ang ating mga wall o dingding. Kung minsan, may mga bahay o kuwartong pinarerentahan na hindi puwedeng baguhin o ayusin ang dingding kahit pa medyo pangit na itong tingnan.
Isang magandang solusyon sa problemang ito ay ang wall art o wallpaper. Hindi nga naman ito permanente kaya’t maaari itong matanggal sa mga panahong kinakailangang tanggalin.
Marami ring puwedeng pagpiliang design na swak sa iyong panlasa. Hindi rin ito mahirap ikabit dahil kahit ikaw lang ang maglagay nito ay puwe-deng-puwede.
Kung maglalagay rin ng wall art o wallpaper, siguraduhin lamang na maganda ito sa paningin.
Kailangan ding mag-blend sa lugar ang ilalagay na wall art nang lalong gumanda ang inyong kuwarto o bahay.
Ang lumang appliances naman ay maaaring magmukhang bago kung lalagyan ng peel-and-stick appliances art.
PANATILIHIN ANG PAGIGING MAAYOS AT ORGANISADO NG BAHAY O KUWARTO
Kailangan ding mapanatili nating maayos at organisado ang lugar na ating nilalagian o pinagpapahingahan nang makapag-relax din tayong mabuti. Ang pagiging organisado rin ay nakapagdudulot ng malinis at maayos sa paningin.
At para maging organisado at maayos ang iyong bahay o kuwarto, huwag basta-basta magkakalat. Siguraduhin ding may nakalaang lalagyan sa mga maliliit na bagay nang hindi mailagay sa kung saan-saan. Makabubuti rin ang pagbili ng storage boxes na may iba’t ibang style para bukod sa may mapaglalagyan ka na ng mga gamit, puwede rin itong gawing dekorasyon.
PALITAN ANG MGA ILAW PARA MAGLIWANAG ANG KABUUAN NG LUGAR
Madalas, lalo na kapag hindi natin pag-aari o nirerentahan lang natin ang isang lugar, problema natin ang ilaw. Hindi nga naman lahat ng pinarerentahang bahay o kuwarto ay may maayos o akmang ilaw. Ang iba, halos papundi na. May ilan namang kung ano iyong mura, iyon ang ikina-kabit.
Sa ngayon, maraming klase ng bombilya ang puwede nating pagpilian. At para magliwanag ang kabuuan ng lugar, piliin ang mga ilaw na puti ang kulay at hindi dilaw. Ang mga dilaw na ilaw kasi ay madilim kaya’t matamlay tingnan ang lugar. Kaya’t para magliwanag at magkaroon ng buhay ang bahay o kuwarto, piliin ang maganda at maayos na ilaw. Makabubuti rin ang paggamit ng led light bulbs dahil mas tipid ito sa koryente.
Maraming simpleng paraan sa pagdedekorasyon. Nagrerenta man tayo ng bahay o kuwarto, maaari pa rin natin itong mapaganda ng naaayon sa gusto natin. (photos mula sa google) CT SARIGUMBA
Comments are closed.