May mga pinaghahandaan o iniisip tayong outfit, makeup at hairstyles kapag mainit ang panahon, gayundin kapag tila lumuluha ang langit. Nagsisimula na nga naman ang umulan. Hindi natin ito maitatanggi. Matapos nga naman ang matinding init, malamig o maulang paligid naman ang pinaghahandaan ng bawat isa sa atin.
Kung marami sa atin ang nahihirapang mag-isip ng maisusuot kapag tag-init, ganoon din kahirap ang maghanap ng swak na outfit, hairstyles at makeup kapag tag-ulan. Hindi naman kasi puwedeng basta-basta na lang ang susuotin natin dahil kailangan din nating iakma sa panahon ang outfit na kahihiligan natin.
Oo nga’t kapag tag-ulan ay nakatatamad ang gumalaw-galaw.Nakawawalang gana rin ang maghanap ng swak na outfit, hairstyles at makeup.
Kung minsan, kung ano na lang iyong makita nating damit, iyon ang isusuot natin. Kadalasan din ay mahahabang manggas ang isinusuot natin para hindi tayo malamigan. Pero hindi naman natin kailangang isaalang-alang ang look natin dahil lang malamig ang panahon.
Kaya naman, narito ang ilang simpleng paraan upang maging presentable ang kabuuan sa kabila ng maulang paligid:
OUTFIT OF THE DAY O OOTD
Isa ang coat o jacket sa hindi nawawala sa ating mga kinahihiligang suotin kapag maulan. Pero hindi rin puwedeng basta-basta na lang coat o jacket ang isusuot natin.
Kumbaga, mamili pa rin tayo ng mga coat o jacket na makapagpapatingkad ng ating kagandahan sa kabila ng malamig na panahon.
Maganda kung medyo fitted o bahagyang naaaninag ang shape ng iyong katawan sa pipiliin mong coat. Nakatutulong din para maging lovely ang isang babae kapag may belt ang suot niyang coat.
Pagdating naman sa panloob, manipis lang ang suotin para hindi bulky tingnan. Boots din ang isa pa sa magandang pampartner ng coat. Huwag ding matakot na magsuot ng mga bright o cheerful color. Depressing nga naman ang tag-ulan kaya mas maganda kung magsusuot tayo ng light at funny color para hindi kaagad tayo mainis.
MAKEUP
Marami sa atin ang hindi nakalalabas ng bahay ng walang makeup.
Pero kung may mga araw na gustong-gusto nating mag-ayos ng sarili o inaabot tayo ng ilang oras sa harap ng salamin, may mga pagkakataon namang tamad na tamad tayo’t kung puwedeng huwag nang gumalaw, hindi tayo gagalaw.
Dahil maulan, importanteng napag-iisipan natin ang hitsura o makeup na gagawin natin sa ating mukha.
Kaya’t pagdating sa makeup, dapat ay light lang. Mas maganda rin kung waterproof ang gagamitin nang hindi ito kumalat sakaling mabasa.
Unang-una ay ang foundation, mas maganda kung liquid ang gagamitin at waterproof din para mapanatiling presentable ang hitsura.
Kapag maulan din, piliin o gamitin ang waterproof mascara, eyeliner at eye shadow para hindi kumalat at hindi masira ang look.
Sa pagpili ng eyeshadow, maaari nating pagpilian ang light brown, beige, orange at pink.
Swak din ang cream blush sa ganitong panahon dahil nagtatagal ito sa mukha at hindi agad-agad nawawala kahit na mabasa.
Pagdating naman sa eyebrows, mas maganda pa rin kung natural lamang itong tingnan at hindi iyong sobrang dark. Mainam din ang paggamit ng eyebrow powder o gel kapag maulan.
At dahil hindi kompleto ang look kapag walang lipstick, swak ding gamitin ang soft matte lipstick with nude shades. Mas nagtatagal din ang matte lipstick kaysa sa ibang klase ng lipstick.
HAIRSTYLE
Isa pa ito sa dapat nating pagtuunan ng pansin. Kapag maulan, talagang malaki ang posibilidad na mabasa ang ating damit, at maging ang buhok. Panira pa naman ng look kapag nabasa na tayo.
Kaya para mapanatili mo ang pagiging presentable sa kabila ng maulang paligid, mainam ang paggamit ng anti-frizz hairspray. Maraming ganitong klaseng produkto ang maaaring pagpilian sa merkado.
Pero kung ayaw mo namang gumamit ng anti-frizz spray dahil wala kang gaanong budget o nagtitipid ka, marami ka pa ring puwedeng gawin. Gaya na lang ng pagtatali ng buhok. Maraming klase ng pagtatali ng buhok na akma sa klima o panahon na makapagbibigay sa atin ng magandang look gaya na lang ng polished pony, low bun o kaya naman ang classic messy bun.
Simple at madali lang gawin pero maganda ito lalo na kapag maulan ang panahon.
Huwag nating sabihing dahil maulan, hindi na tayo mag-aayos o hahayaan na lang nating magmukha tayong basang sisiw.
Puwedeng-puwede pa rin tayong maging fashionista kahit na maulan. Basta’t huwag lang tayong tatamad-tamad na mag-ayos. Para rin hindi tamarin mag-ayos, sa gabi pa lang ay pag-isipan na ang susuotin, gayundin ang ayos ng buhok at makeup na gusto.
Stay cool! (photos mula sa google, dirtylooks, lifestylesharer.wordpress)
Comments are closed.