(ni CT SARIGUMBA)
HINDI napipigilan ang kagustuhan ng marami sa ating mag-travel kahit pa sabihing saan man tayo lumingon ay basa ang paligid. Panahon na ng tag-ulan.
Sa mga nagpaplano pa ring magliwaliw kahit na tag-ulan, kailangang may mahaba kayong pasensiya upang hindi masira ang gagawing pagta-travel o pamamasyal. Maraming dahilan upang mainis ang marami sa atin. Bukod nga naman sa walang patid na pagpatak ng ulan, nariyan din ang sobrang traffic na tila mahabang parking ang mga kalye sa Metro Manila at karatig lugar.
Kunsabagay, hindi lamang pasensiya ang kailangan nating baunin kung magta-travel sa panahon ng tag-ulan, kundi ang pagi-ging handa. Dahil diyan, narito ang ilang travel tips na ibabahagi namin sa inyo nang masiguradong magiging maayos ang inyong lakad at mag-e-enjoy kayo:
PAGDADALA NG PAYONG SA ANUMANG ORAS AT PANAHON
Sa pagsapit nga naman ng tag-ulan, isa sa bagay na dapat na mayroon tayo ay ang payong. Napakahalaga ng pagdadala ng payong upang may magamit tayong panangga sa patak ng ulan.
Kaya naman, saan man tayo magtungo ay napakahalagang nagdadala tayo ng payong.
Mabuti nga naman ang handa kaysa ang magmukha tayong basang sisiw kapag bumuhos na ang ulan at wala tayong bitbit na panangga.
Hindi na rin naman mahirap ang pagdadala ng payong ngayon dahil mayroong maliliit na kakasya sa bag.
MAGING MATALINO SA PAGPILI NG OUTFIT O DAMIT
Mahalaga rin ang pagpili ng tamang kasuotan kapag tag-ulan. Malamig at basa ang paligid, kaya’t kailangang angkop ang isu-suot natin nang hindi tayo magkasakit.
At dahil panahon din ng pagiging basa at maputik ang tag-ulan, iwasan ang mga damit na magagarbo o iyong klase ng damit na madaling marumihan at mamantsahan.
Mainam din kung magsusuot ng mga damit na madaling matuyo. Ngayong tag-ulan, swak suotin ang leggings dahil madali lamang itong matuyo.
Huwag ding kaliligtaan ang pagdadala ng scarf o kaya jacket.
MAGDALA NG ALCOHOL O HAND SANITIZER
Para mapanatiling malinis ang mga kamay at maiwasan ang pagkalat ng dumi at pagkakasakit, lagi ring isama sa bagahe o bag ang alcohol o hand sanitizer.
Mainam din ang pagdadala ng face towel at wet wipes nang may maipampunas sa mukha man, kamay o paa.
HUWAG HAHAWAK SA KUNG SAAN-SAAN
Iwasan din ang paghawak sa kung saan-saan nang maiwasan ang pagkapit ng dumi sa kamay. Kamay ang isa sa bahagi ng katawan na madaling kapitan ng dumi. Ito rin ang madalas nating ginagamit, kaya’t siguraduhing malinis ang mga ito, saan ka man naroroon at sa anumang panahon.
MAGING HANDA BAGO ANG PAGBIYAHE
Marami ang maaaring mangyari nang hindi natin inaasahan. Kaya bago ang gagawing pagta-travel o paglalakwatsa ay sig-uraduhing handa ka. Kumbaga, hindi lamang ang pagdadala ng payong, pagsusuot ng akma sa panahon, pagdadala ng hand sanitiz-er, alcohol, face towel at wet wipes ang kailangan nating isaalang-alang kundi ang pagiging handa ng sarili.
Dapat ay ihanda natin ang ating puso’t isipan bago ang gagawing paglalakwatsa—malapit man o malayuan ang patutunguhan.
ISIPIN ANG KALIGTASAN SA GAGAWING PAGTA-TRAVEL
Higit sa lahat, isipin ang inyong kaligtasan. Oo, masarap ang magtungo sa kung saan-saang lugar upang makapag-relax at maka-bonding ang mahal sa buhay, kaibigan o katrabaho. Ngunit, sabihin mang excited tayo sa pupuntahang lugar, kaligtasan ng bawat isa ang dapat nating isaalang-alang.
Kaya’t kung matindi ang ulan at madulas ang paligid, mag-isip muna at kung maaari ay ipagpaliban ang paglalakwatsa o pag-alis.
Maging maingat tayo nang ma-enjoy natin ang pamamasyal lalo na kapag maulan at masama ang panahon. (photos mula sa likealocalguide.com, my-travelmonkey, citylightsfinancial.wordpress)
Comments are closed.