(Ni CT SARIGUMBA)
KALIWA’T KANAN ang nagiging sanhi ng stress. At kapag hindi natin ito na-handle nang maayos, nagdudulot ito ng paghina ng immune system at pagbaba ng energy levels.
Normal na pakiramdam ang stress. Bunga ito ng pang-araw-araw na problema. Apektado nito ang pisikal at sikolohikal na aspeto ng pagkatao.
Kapag hindi naagapan, maaaring lumala ang kondisyon at maging sanhi ng malalang karamdaman.
Ilan sa mga karamdamang dulot ng matinding stress ay ang hirap sa pagtulog, pagkabalisa, kawalan ng pokus at depression.
Kaya para maiwasan ang stress ngayong 2019, narito ang ilan sa mga paraan na maaaring subukan:
TUMAWA NA PARANG BABY
Wala nga namang duda na laughter is the best medicine. Kaya kung stress, sikaping maging masaya at ngumiti. Hindi rin basta-basta ang tawang kailangan. Kumbaga, hindi puwedeng fake na ngiti. Kailangan ay ngiting parang walang bukas. Iyong ngiti na puno ng kaligayahan. Iyong ngiting walang bahid ng lungkot. Iyong tawa o ngiting parang baby na walang iniisip na kahit na ano.
Sa pamamagitan din ng pagtawa ay naiiwasan ang stress hormones sa katawan.
Pinalalakas din nito ang immune system.
SUBUKANG MAGBAWAS NG TIMBANG KUNG MEDYO MAY KALAKIHAN
Mahalaga rin ang pag-eehersisyo para mabawasan ang stress hormones sa katawan at maiwasang lumikha pa ang mga ito ng pinsala. Pinalalakas din ng pag-eehersisyo ang immune system at nagre-release ito ng endorphins sa brain para gumaan ang pakiramdam.
Kahit na anong uri ng ehersisyo ay mainam basta’t gawin lang ng regular o araw-araw.
Ang malusog ding diyeta ay nakatutulong upang gumaan ang pakiramdam.
Mabuti rin ang Omega fatty acids at napatunayang may malaking beneficial sa brain chemistry para maging mas masaya at mas energetic ang isang tao.
MAGPAHINGA NANG LUMAKAS ANG IMMUNE SYSTEM
Importante rin ang pagpapahinga o ang pagtulog ng maayos.
Malaki rin ang epekto ng pagtulog sa stress levels at sa immune system strength.
Kapag kulang sa tulog ang isang tao ay malaki ang tiyansang nakadarama ng stress. Kapag stress din ang isang tao, mas lantad ito sa iba’t ibang ka-pahamakan.
Kaya iwasan ang pagpupuyat dahil nakadaragdag ito sa nadaramang stress. Mas lalakas din ang immune system kung magpapahinga ng maayos. At kapag malakas naman ang immune system, makalalaban ang katawan sa nadaramang stress.
MAKINIG NG MUSIKA UPANG MA-RELAX
Kapag mainit ang ulo at stress, mainam ang pakikinig ng musika nang ma-relax ang pakiramdam.
Marami ring benepisyo ang music therapy lalong-lalo na sa mga taong nakararanas ng stress at malalang sakit gaya ng cancer.
Mainam ang pagpili ng magandang musika na makatutulong sa pagpapababa ng blodd pressure, nakapagpapa-relax ng katawan at nakapagpapa-kalma ng isipan.
Ipikit lamang din ang mga mata at namnamin ang awiting pinakikinggan nang gumaan at gumanda ang pakiramdam.
ITATAK SA ISIPAN ANG PAGIGING POSITIBO SA KABILA NG PROBLEMA AT PAGSUBOK
Pagiging positibo rin ang isa pa sa paraan upang maibsan o malabanan ang nadaramang stress.
Kaya mainam ang pag-iisip ng positibo. Maaaring balikan sa isipan ang mga magaganda at masasayang nangyari sa buhay.
Sa mga panahong nalulungkot at stress tayo, napakalaki ng naitutulong ng pagbabalik-tanaw sa mga magaganda at masasayang nangyari sa ating buhay.
Kaya’t gawin ito sa tuwing sinasalakay ang puso mo ng lungkot at stress.
Maraming simple at natural na paraan ang makatutulong para maibsan ang nadaramang stress.
Kaya sa mga nakadarama nito, subukan ang ilang tips na ibinahagi namin sa inyo.
Comments are closed.