SIMPLENG TIPS PARA MAG-ING HEALTHY SA ARAW-ARAW

HEALTY

NAG-AASAM ang lahat na maging healthy. Napakaimportante nga naman ng pagkakaroon ng malakas at malusog na pangangatawan. Kayamanan itong maitutu­ring.

May ilan na laging bukambibig na sana ay ‘mayaman sila’. Pero yaman o salapi nga ba ang nakapagpapasaya sa isang tao?

Ikasiya natin ang pagkakaroon ng malakas at malusog na pangangatawan kahit pa sabihing salat sa yaman. Sabihin mang marami kang pera, kung may sa­kit ka naman, hindi mo rin ma-e-enjoy ang buhay mo.

Napakahalagang ma­ging maingat tayo upang maiwasan natin ang samu’t saring sakit na maaaring makuha natin sa paligid. Kadalasan ang mga nakagawian nating lifestyle at nakasanayang kainin ang siyang nagi­ging dahilan ng pagkakaroon natin ng sakit.

Kapag bata pa tayo, hindi tayo nangingiming kainin ang lahat ng mga gusto nating kainin. La­ging tumatakbo sa ating isipan, bata pa naman kasi tayo kaya’t okey lang. Gayunpaman, hindi porke’t bata ka pa at ginawa o kinain mo ang lahat ng gusto mong pagkain ay ‘di ka tatablan ng sakit. Oo nga, malakas ang katawan mo pero aanihin mo lahat ng ginawa mong hindi maganda o ang ginawa mong kapabayaan sa iyong pagtanda. Kaya’t bata man o matanda, dapat ay pag-ingatan ang sarili.

At para nga naman maging healthy sa araw-araw, narito ang simpleng tips na nais naming ibahagi sa inyo:

IDAAN SA NGITI ANG MGA KINAHAHARAP NA PROBLEMA

Kailan ba tayo nilubayan ng problema?

SMILESa bawat oras o araw, hindi tayo nilulubayan ng problema.  Hindi lamang din problema sa pamilya, kundi nariyan din ang alalahanin sa trabaho at maging katrabaho. At kung didib­dibin mo ang lahat ng alalahanin at pagsubok na dumadalaw-dalaw sa atin sa araw-araw, mang­hihina tayo’t malamang ay  magkaroon ng sakit. Maaari ring mawalan tayo ng pag-asa.

Kaya para malampasan ang mga ito, idaan sa ngiti ang mga pagsubok. At huwag mawawalan ng pag-asa. Lahat ng problema o bagay na nangyayari sa atin, nangyayari nang may dahilan. Tandaan ding walang ibinigay ang Diyos na pagsubok na hindi natin kayang lampasan. At ang mga pagsubok din na kinahaharap natin sa bawat pagsibol ng umaga ang siyang nagbibigay sa atin ng lakas. Nagiging daan din ito para tumapang tayo. Kumbaga, pinatatapang tayo ng mga pagsubok.

ISAMA SA DIYETA ANG PAGKAIN NG SALAD AT PAG-EEHERSISYO

Isang paraan upang maging healthy ang ating katawan ay ang pagkain ng masusustansiya gaya ng salad at ang regular na pag-eehersisyo. Oo, nakaririndi na ang paulit-ulit na pagsasabi ng marami na kumain ng healthy at mag-ehersisyo para ma­ging malakas ang panga­ngatawan.

Ngunit nakaririndi man ang ganitong advice, mahalagang sundin ito sapagkat malaki ang naitutulong nito upang makamit ang malakas at malusog na kabuuan.

Maraming taglay na bitamina at mineral ang salad gaya na lang ng Vitamin A, C at K, calcium, iron, antioxidants at betacarotene. Ang mga nabanggit na vitamins at minerals ay nakatutulong upang maging healthy ang katawan,

Ang araw-araw o regular namang pag-eehersisyo ay talagang napakalaking benepisyo sa katawan. Pinalalakas nito ang ating bone at muscle mass. Dahil din sa pag-eehersisyo, naiiwasan natin ang ilang mga sakit gaya ng arthritis, heart disease, back pain, obesity at higit sa lahat, ang stress na ayaw na ayaw tayong lubayan sa araw-araw.

HUWAG KALILIGTAAN ANG PAG-INOM NG MARAMING TUBIG

HEALTYIsa pa ang pag-inom ng maraming tubig sa madalas nating naririnig o nababasa. May ilan naman kasing kahit na sabihan mong uminom ng maraming tubig, kinaliligtaan pa rin. May ibang ayaw ang lasa nito kaya’t kahit na mara­ming benepisyo  ang naibibigay nito sa katawan, ayaw pa ring kahiligan ang tubig.

Para magkaroon ng lasa ang tubig at ma-enjoy mo ang pag-inom nito, puwede mo itong lagyan ng lemon slices.

Ilan nga naman sa naidudulot ng pag-inom ng maraming tubig ay: Una, pinagaganda nito ang ating balat. Kapag kulang sa tubig ang katawan, maaaring magkaroon ng skin disorders at premature wrinkling. At para maiwasan ito, tubig ang pinakasimple at madaling solusyon.

Ikalawa, para maiwasan ang constipation, uminom ng maraming tubig. Ang dehydration nga naman ay nakapag­dudulot ng digestive problems.

Ikatlo, inilalabas nito ang mga dumi sa ating katawan. Isipin mo na lang kung hindi ka mahilig sa tubig, gaano na kayang dumi o waste ang naiipon sa iyong katawan?

Ikaapat, napananatili nito ang blood pressure at naiiwasan nito ang kidney damage.

At ang ikalima, nakapagpapayat ito. Lahat naman tayo ay nagnanais na ma-maintain ang hugis ng ating katawan. Bakit ka pa nga naman magtutungo sa gym kung sa pag-inom lang ng maraming tubig ay makakamit ang nais mo.

MAGPAHINGA NG TAMA AT IWASAN ANG EMOTIONAL EATING

Isa pa sa kailangang kasanayan ng marami upang makuha ang malusog at malakas na panga­ngatawan ay ang pagpapahinga ng maayos. Ang mga taong kulang sa tulog ay mas tumataba kumpara sa mga taong may sapat na tulog. Kaya’t kung ayaw mong tumaba, siguraduhing nakatutulog o nakapagpapahinga ka ng maayos.

Isa naman sa dapat iwasan para maging healthy sa araw-araw ay ang stress eating. Yes, kapag stress tayo, pagkain ang tinatakbuhan at nagiging best friend natin. Iwasan ito. Mai­nam gawin ay ang pagi­ging pisitibo at kalmado sa kabila ng stress na nadarama o kinahaharap.

Maraming simpleng paraan para maging healthy ang bawat isa sa araw-araw. Bilang indibiduwal, nasa sa atin kung pipiliin nating maging healthy o hindi.  Nasa sa atin ang susi o daan upang maging malusog tayo sa araw-araw.  CS SALUD

Comments are closed.