SIMPLENG TIPS PARA UMALIWALAS ANG TAHANAN

TAHANAN-4

HINDI naman lahat tayo ay mayroong malaking bahay. Siyempre ang ilan sa atin ay hindi kayang bumili ng malaking bahay at natutuwa na sa maliit o kung ano lamang iyong kaya.

Pero maliit man o malaki ang tahanan, na­ngangailangan ito ng matinding pagpaplano kung paano mapananatiling malinis at maaliwalas hindi lamang sa mga nakatira rito kundi maging sa dadalaw o magiging bisita.

Kung tutuusin, napakahirap ang mag-ayos at maglinis ng tahanan. Kaya naman, narito ang ilang simpleng tips para umaliwalas ang inyong tahanan ngayong paparating na Pasko at maiwasan ang problema.

GUMAWA NG SHOE STORAGE

TAHANAN-5Hilig na nating mga kababaihan ang pagbili ng sapatos at kung ano-ano pang mga kakika­yan. Ngunit agaw-espasyo ang high heels. Mahirap din itong hanapan ng lugar dahil maaaring masira o magasgas.

Kung nakakalat lang ang mga sapatos o heels ninyo sa bahay, isa sa magandang paraan ang paglalagay ng free standing shoe rack. Marami kang mabibiling standing shoe rack na swak sa iyong budget.

Kung trip mo naman ang hanging shoe rack, puwedeng-puwede mo rin itong gawin. Maganda rin ito dahil makikita mo kaagad ang sapatos na gusto mong gamitin. Pumili lang ng isang lugar sa bahay na hindi gaanong nagagamit at doon mo ikabit ang hanging shoe rack.

Maaaring masira ang sapatos lalo na kung nakahilera lamang ito sa sahig at walang sariling lalagyan. Kaya naman para maalagaan ang mga ito, magpagawa na ng shoe rack.

Magkakaroon pa ng disenyo ang bahay mo, nagawa mo pang ­ingatan ang mga sapatos mo.

PAGTATANGGAL NG STAIN SA WALL

Hindi rin siyempre nawawala ang pagkakaroon ng dumi ng dingding. Hindi lamang naman floor ang nadudumihan gayundin ang wall lalo na kapag may mga bata. At kung may mga bata, tiyak na problemado ka kung paano matatanggal ang crayon sa dingding.

May solusyon sa ganitong problema. Halimbawa na lang ang crayon stain sa dingding, ang solusyon diyan ay ang hair dryer at sabon. I-on lamang ang blower o hair dryer sa parteng nalagyan ng crayons at kapag nainitan ito ay unti-unti itong matutunaw.

Mas madaling matatanggal ang crayon kapag natunaw kaya’t mapadadali rin ang gagawin mong paglilinis. Gumamit lamang ng paper towel at sabon para matanggal ang mantsa sa inyong dingding.

Baking soda, isa rin ito sa puwedeng gamitin. Kumuha lang ng basahan at i-dip ito sa baking soda. Sa kaunting punas-punas mo lang, matatanggal na ang ginawang masterpiece ng iyong anak.

Isa pa sa napakamura at makikita lang sa bahay ay ang toothpaste at brush. Kumuha lang ng toothpaste, lagyan nito ang brush at dahan-dahang ikuskos sa apektadong dingding.

Simpleng-simple lang, hindi ka pa gagas­tos ng malaki.  Kaya’t maging madiskarte lang, tiyak na masosolusyonan mo ang kahit na anong problema sa inyong bahay.

SAFETY TIPS SA BATHROOM

TAHANAN-6Sabihin mang isa ang bathroom sa hindi naman gaanong nalalantad, importante pa ring napananatili nating malinis at maayos ito. Maituturing nga namang isa sa delikadong lugar ang bathroom lalo pa’t marami ang nadidis­grasya rito.

Pagkabagok ng ulo, pagkakaroon ng sugat o pasa dahil sa pagtama sa matitigas na kanto ng mga cabinet sa loob ng bathroom, ‘ilan lamang ‘yan sa mga iniiwasan ng karamihan.

Kaya para maiwasang may madisgrasya sa bathroom, alisin ang mga bagay na magi­ging sanhi ng pagkadulas gaya ng basahan.

Kung maglalagay man, siguraduhing nakadikit ito nang maayos gamit ang double-faced tape o mga slip-resistant backings. Gayunpaman, mas mainam kung maglalagay na lang ng mga nonslip mats.

Panatilihin ding malinis ang sahig mula sa mga mold na maaaring maging sanhi ng pagkakadulas. Tanggalin kaagad ang natirang sabon, shampoo at kalat sa banyo matapos itong gamitin.

Sa pamamagitan ng pagpapanatiling malinis ng bathroom, hindi lamang ito makasasalba ng buhay o maiiwasan ang sakuna kundi maiiwasan din nito ang pagkalat ng bacteria na puwedeng maging dahilan ng pagkakasakit.

Itaas din ang mga matatalas na bagay gaya ng razor at gunting para hindi maabot ng mga bata.

PAG-ISIPAN ANG WALL DESK

TAHANAN-7Oo nga’t marami sa atin ang hindi naman kalakihan ang tahanan. At kapag medyo may kaliitan ang ating bahay, problemado tayo kung paano natin pagkakasyahin ang mga bagay-bagay o kasangkapang mayroon tayo.

Sa may mga ganitong problema, puwede ninyong isaalang-alang, subukan o pag-isipan ang paglalagay ng wall desk.

Nakadaragdag ng ganda ng isang lugar ang paglalagay ng wall desk. Isa rin itong magandang solusyon kung walang gaanong espasyo ang inyong tahanan.

MAGLAGAY NG BULAKLAK

Isa rin ang paglalagay ng bulaklak para umaliwalas at gumandang tingnan ang isang lugar. Swak na swak din ito sa kahit na anong panahon.

Ang paglalagay rin ng bulaklak ay nakatutulong upang magkaroon ng buhay at kulay ang isang tahanan.

Kaya naman, pag-isipan na ang paglalagay ng fresh flowers. Siguraduhin lang din na safe ang ilalagay na mga bulaklak at halaman nang walang mapahamak.

Napakaraming simpleng paraan upang mapanatili nating malinis at maaliwalas ang ating tahanan, hindi lamang ngayong paparating na Pasko kundi sa kahit na anong panahon.

Hindi lamang din ganda ang kailangan na­ting isaalang-alang kundi maging ang kaligtasan ng ating pamilya at ng parating na bisita.

Comments are closed.