SIMPLENG TIPS SA MGA GUSTONG BUMIYAHE

biyahe

HINDI na mabilang-bilang ang mga payo o tips tungkol sa pamamasyal at kung paano ito magiging masaya. May mga artikulo ring mababasa tungkol sa tips kung paano maiiwasan ang problema sa panahong nasa ibang lugar ka.

Iba-iba nga naman ang experience ng mga taong bumibiyahe. May ilan na sobrtang nag-enjoy. At siyempre, hindi rin naman mawawala ang mga taong hindi gaanong naging maganda ang ginawang pagbabakasyon. Kumbaga, may mga naging problema—sa schedule, sa tinirahan at kung ano-ano pa.

Gayunpaman, sa rami na rin ng tips o paraang mababasa sa online man,  newspaper o magazine, narito ang ilang simpleng tips na makatutulong sa mga gustong bumiyahe o first time na magliliwaliw:

DALHIN LANG ANG MGA KAKAILANGANING GAMIT

Kapag sinabing dalhin lang ang kakailanganing gamit, ibig sabihin niyon ay mga gamit lang talaga na pakikinabangan ang ilalagay mo sa bagahe mo at hindi kung ano-ano. Kung maglalagay ka man ng ekstrang damit, ilang piraso lang at hindi pang isang linggo.

Sa totoo lang, isa naman talaga sa pinakamahirap gawin lalo na kung magtutungo ka sa ibang lugar ay ang pag-iimpake. Hindi naman talaga madali lalo na kung marami kang gustong dalhin na sa tingin mo ay kakailanganin o magagamit mo naman talaga.

Unang kailangang gawin, alamin muna ang mga gagawin sa pupuntahang lugar. Kapag nalaman mo na ang mga activity ninyo o posibleng gawin, isipin na kung anong klaseng damit ang isusuot.

Ikalawa, para hindi gaanong dumami ang dadalhin, mainam kung ang mga gamit na bibitbitin ay mapapakinabangan o magagamit ng ilang ulit. O ‘di kaya ay swak sa kahit na anong okasyon at panahon.

Panghuli, magagang damit lang ang dalhin nang hindi mahirapan. May mga damit naman na magagaan pero mainit sa katawan kapag isinuot. Magandang option ito lalo na kung malamig ang pupuntahang lugar.

HUWAG MASYADONG MAMIMILI

Kapag nga naman nakararating sa isang lugar o bagong lugar ang isang tao, halos lahat ng gusto niyang bilhin o puwedeng bilhin, binibili.

Hinay-hinay lang sa pagbili. Iyong mga importante o kailangang bilhin lang ang kunin. Mainam din kung ang mga bibilhing pasalubong ay mapakikinabangan.

Oo, hindi nga naman puwedeng umuwi ng walang pasalubong ang isang nagbakasyon o nagtungo sa ibang lugar. Pero maging matalino rin sa pagpili ng mga bibilhin.

Mainam din kung magagaan lang ang iuuwi o ipasasalubong nang hindi makabigat sa bagahe.

MAGYAYA NG MARAMING KASAMA

Masarap bumiyahe ng mag-isa lalo na kung ikaw iyong tipong gusto mong makapagpahinga. Pero masarap ding bumiyahe na may maraming kasama. Bakit? Dahil hindi ka matatakot sa pupuntahan mong lugar. Makapag-e-explore ka ring mabuti dahil may kasama ka. At higit sa lahat, mas mura ang bumiyahe nang maraming kasama kaysa sa mag-isa ka lang. May mga package kasing puwedeng i-avail na abot-kaya lang sa bulsa.

MAGHANAP NA NG PROMO NGAYON PA LANG

Mainam din ang paghahanap o pag-aabang ng promo ng mas maaga. Halimbawa, plano ninyong bumiyahe next year, ngayon pa lang ay mag-check na kayo ng promo nang makatipid.

Kunsabagay, marami talaga ang gustong magliwaliw ngunit ang nagiging problema nga lang ay ang pera. Maging matiyaga lang sa paghahanap o paghihintay ng promo. Ngayon pa lang din, simulan na ang pag-iipon para sa pinaplanong pamamasyal.

Kung tutuusin nga naman, hindi talaga maubos-ubos ang tips na makatutulong upang maging kasiya-siya ang pamamasyal ng kahit na sino. Gayunpaman, nasa tao pa rin ang susi kung paano magiging kasiya-siya ang kanyang pamamasyal. Siya lang naman din kasi ang makapagsasabi kung natuwa nga ba siya o nag-enjoy sa ginawa niya o hindi.

Pero siyempre, sa pamamagitan din ng tips na nababasa natin o naririnig mula sa mga kakilala at kaibigan, malaki rin naman ang naitutulong nito para maging handa tayo. At higit sa lahat, para magkaroon ng ideya lalo na kung first time nating lalabas ng bansa o magtutungo sa isang lugar na malayo sa nakasanayan o nakaugalian.    CS SALUD

 

 

Comments are closed.