SIMULA kahapon ay suspendido ang mga laro ng PBA sa Pampanga bubble nito alinsunod sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging and Infectious Diseases (IATF) at ng Department of Health (DOH).
“In compliance with the recommendation of the IATF-EID Technical Working Group and the DOH Advisory Group of Experts and to ensure the integrity and safety of the PBA Bubble, the league is postponing the games starting TODAY, October 30 until the new protocols proposed by the IATF and DOH are out in place,” pahayag ng PBA sa isang statement.
Ang PBA ay nakapagtala ng dalawang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo sa kabila ng mahigpit na health protocols sa loob ng bubble sa Clark, Pampanga.
Noong Oktubre 21, iniulat ng liga na isa sa mga referee nito ang nagpositibo sa COVID-19. Pagkalipas ng apat na araw, isang player naman ng Blackwater ang nagpositibo sa virus.
Gayunman, sinabi ng liga na ang dalawang kaso ay naging negatibo na makaraang isailalim sa antigen at RT-PCR swab tests.
Sinabi ng Department of Health (DOH) noong Lunes na masyado pang maaga para sabihin kung ang dalawang kaso sa PBA bubble ay ‘false positive’ cases.
Ang mga laro kahapon na nakansela ay sa pagitan ng NorthPort at Magnolia at ng San Miguel Beermen at Ginebra.
Nauna na ring ipinagpaliban ng PBA ang mga laro ng Blackwater at Rain or Shine, TNT at NorthPort, at Magnolia at Black-water.
Comments are closed.