NAGLABAS na ng abiso ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na magsasagawa ito ng dalawang linggong “Chikiting Bakunation Days” o pagbabakuna para sa mga batang edad 0 hanggang dalawampu’t tatlong (23) buwan.
Ayon sa Manila Health Department o MHD, aarangkada ang libreng “routine and catch-up immunization” sa Maynila simula Mayo 30 at magtatagal hanggang Hunyo 10.
Ilan lamang sa ibibigay na bakuna sa Chikiting Bakunation Days sa Maynila ay para sa mga vaccine-preventable diseases o VPDs tulad ng polio, tigdas, rubella at iba pa.
Hinikayat ng MHD ang publiko lalo na sa mga magulang na makibahagi sa immunization program na makakatulong sa proteksyon ng mga bata laban sa mga sakit na nagdadala ng “disability” o kaya’y kamatayan.
Para sa mga nais pabakunahan ang mga chikiting, maaaring magtungo sa vaccination sites sa mga health center sa anim na distrito ng Maynila, gayundin sa anim na district hospitals ng lungsod.
Ayon sa MHD, magkakaroon din ng door-to-door na pagbabakuna.
Ilulunsad ang Chikiting Bakunation Days sa lungsod dahil ang pagbabakuna sa mga bata ng VPD ay naapektuhan bunsod ng COVID-19 pandemic.
Samantala, ipinaalala naman ng MHD sa lahat ang kahalagahan ng “good hygiene” at kalinisan sa lahat ng lugar lalo na sa mga bahay upang iwas-sakit. PAUL ROLDAN