MAS mataas na toll ang babayaran ng mga motorista na dumaraan sa NLEX Connector simula bukas, Oktubre 15.
Ito ay makaraang aprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang koleksiyon ng updated toll rates para sa elevated expressway, ayon sa NLEX Corp.
Sa ilalim ng updated toll matrix, ang mga motorista na gumagamit ng Class 1 vehicles o regular cars at SUVs ay magbabayad ng P119 mula sa dating toll na P86.
Samantala, ang Class 2 o buses at small trucks at Class 3 vehicles o large trucks ay magbabayad ng P299 at P418 flat rates, ayon sa pagkakasunod, mula sa dating rates na P215 at P302.
Ayon sa NLEX Corp., ang toll adjustment ay bahagi ng programa na kolektahin ang opening toll para sa NLEX Connector nang utay-utay upang mapagaan ang epekto sa mga gumagamit ng expressway.
“The initial rates were implemented last 2023, four months after the opening of the Caloocan to España Section in March,” dagdag pa nito.
Sa pagbubukas ng Section 2 mula España hanggang Magsaysay Boulevard noong October 2023, sinabi ng kompanya na pinanatili ng NLEX Connector ang orihinal na discounted rate, kung saan hinayaan nito ang mga motorista na gamitin ang mas mahabang stretch sa loob ng halos isang taon nang walang toll adjustment.
“Full rates will be implemented once the NLEX Connector Project is completed,” sabi ng kompanya.
Ayon sa NLEX Corp., pinaganda ng connector ang travel experience ng mga motorista patungong Manila mula norte at vice versa sa pagpapabilis sa biyahe sa pagitan ng C3 sa Caloocan at Magsaysay Boulevard sa Manila sa pitong minuto lamang.
Ang NLEX Connector ang unang expressway sa bansa na nagpatupad ng barrierless system at gumagamit ng 100% RFID para sa mas mabilis na transaksiyon sa toll plazas.
RUBEN FUENTES