SIMULA NA NG MASIGLANG POLITIKA

BUKAS, October 1, ay sisimulan nang tanggapin ng Commission on Elections ang ihahaing certificate of candidacy ng ating mga politiko.

Una nang inilatag ng Comelec ang guidelines sa paghahain ng CoC at nawa’y naunawaan ito ng mga nais tumakbo  sa May 2025 elections.

Naniniwala ang Comelec na malinaw ang kanilang guidelines upang maging maayos ang paghahain ng CoC.

Sa panig naman ng mga kakandidato, sana ay sundin ang guidelines dahil ang magbebenepsiyo nito ay ang pangkalahatan at naniniwala kaming masigasig na pinag-aralan ito ng komisyon na ang pokus ay ang interes ng bawat Pilipino.

Huwag na sanang maging pasaway pa at maging problema ng lahat.

Sa mga kakandidato, masarap maglingkod at masaya sa puso kung nahalal dahil sa katapatan kaya dapat ito ang maging pokus.

Isang bayaning gawa ang maglingkod sa bayan at sa bansa, subalit kasabihan na matamis ang prutas at ani kung hindi pilit at lalo na’t nakuha ito ng may katapatan.

Matalino na ang mga Pinoy ngayon at hindi basta boboto at magpapabola sa ganda ng salita dahil ang kanilang tini­tingnan ay resulta ng gawa.

Sa lahat ng Pinoy, simula na ang filing ng CoC, makibahagi tayo at nawa’y gawin din natin ang obligasyon para sa politikong nais lamang maglingkod sa atin.