SIMULA ng Semana Santa bukas, Abril 2, at matatapos ito sa Abril 9, 2023.
Sa panahong ito, sinasariwa natin ang pagpapakasakit ng Panginoong Hesus.
Ipinapahiwatig nito na ang sinumang nagbabalik-loob sa Kanya ay pinatatawad sa mga nagawang kasalanan sa mundong ibabaw.
Noon hanggang ngayon, madalas ay walang pasok ang Maundy Thursday at Good Friday dahil ito raw ang pinakamahalaga tuwing Semana Santa.
Sa pag-ikot ng mga taon, nakasanayan na rin ng mga lider ang pagdedeklara ng long weekend.
Ginugunita ang Holy Week kasunod ng Palm Sunday o Linggo ng Palaspas kung saan inaalala ang huling pagdating ni Kristo sa Herusalem.
Ang Holy Week ay natatapos nga sa Easter Sunday o Linggo ng Pagkabuhay kung saan maraming ginagawang aktibidad ang mga Kristiyano tulad ng easter egg hunt at iba pa.
Tuwing Holy Week, parang bumabagal ang galaw ng buhay sa bansa dahil kakaunti na lang ang mga nagseserbisyo sa mga opisina ng pamahalaan.
Hanggang Martes na lang yata ang pasok sa mga eskwelahan.
Siyempre, halos lahat ng mga establisimyento ay sarado, kabilang ang mga kainan o resto, lalo na tuwing Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Ang mga taga-Metro Manila, nagsisiuwian sa mga probinsiya sa panahong ito.
Kaya halos mabilang na lang sa daliri ang mga tao sa mga lansangan.
Bunga raw ng mahaba-habang bakasyon sa Semana Santa, asahan na ang pagdagsa ng 1.2 milyong pasahero sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Simula pa kahapon, Marso 31, dagsa na ang mga pasahero.
Sinasabing tatagal ito ng hanggang sa pagtatapos ng Easter Sunday.
Tiyak kasing sasamantalahin ng publiko ang Semana Santa para magnilay, magbakasyon at magpahinga sa mga uuwian nilang probinsya.
Handa na raw ang lahat ng mga kinauukulang sektor sa Oplan Biyaheng Ayos Semana Santa 2023.
Nawa’y tandaan na hindi lang panahon ng bakasyon ang Semana Santa. Ito ang pinakadakilang araw upang magbalik-loob sa Panginoon.
May pagkakataon tayong magnilay nang lubusan sa ating kahinaan sa lahat ng mga bagay na makalupa.
Maraming kontrobersiyal na usapin sa ating pamumuhay at pamahalaan.
Ito’y dahil hindi perpekto ang ating gobyerno na ngayo’y pinamumunuan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
May mga nakasuhan o iniimbestigahan dahil sa katiwalian habang may mga nasasangkot sa patayan at iba pang krimen.
Magsisilbi itong panahon ng pagsisisi sa mga nagawang kasalanan.
Maliban dito, nawa’y ang diwa ng Semana Santa sa ating Katolikong bansa ay makatutulong, kahit paano, upang maresolba ang mga problemang kinakaharap nating lahat.