NAGKASUNDO ang Land Transportation Office (LTO) at ang ilang driving schools sa buong bansa na mag-alok ng mas abot-kayang driving lessons simula ngayong araw, Abril 15.
Ang desisyon ay nabuo sa isang pagpupulong na dinaluhan ng mga miyembro ng Association of Accredited Driving Schools of the Philippines, Inc. (AADSPI), Philippine Association of LTO Accredited Driving Schools, at iba pang driving schools sa bansa.
“Sa nasabing pulong, ipinahayag ng mga dumalong driving school ang suporta sa layunin ng LTO na maging makatwiran at balanse ang singilin ng mga driving school kasabay ng pagtitiyak na makasusunod sa mga bagong panuntunan ng ahensya sa ilalim ng Memorandum Circular No. JMT 2023-2390,” pahayag ng LTO sa isang statement.
Nauna rito ay hiniling ng AADSPI sa LTO na ipagpaliban ang pagpapatupad ng price cap sa driving courses dahil maaari itong magresulta sa operational at financial challenges.
Subalit ibinasura ng ahensiya ang panawagan ng grupo dahil sa public demand para sa mas murang driving lessons.
Sa LTO memorandum ay itinakda ang maximum prescribed rate para sa theoretical at practical driving lessons para sa motorsiklo sa ₱3,500, atb ₱5,000 para sa vehicles.
Sinabi ni LTO chief Jay Art Tugade na pananatilihin ng ahensiya na bukas ang kanilang pintuan para sa anumang suhestiyon hinggil sa pagpapatupad ng price cap sa driving schools.