(Simula na ngayong Lunes) 12-ARAW NA TIGIL-PASADA TULOY

WALANG makapipigil sa isa pang malawakang tigil-pasada na ikinasa ng transport groups Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at  Manibela simula ngayong Lunes (Dis. 18) hanggang sa Biyernes ng susunod na linggo (Dis. 29) bilang protesta sa Dec. 31 franchise consolidation deadline sa ilalim ng public utility vehicle (PUV) modernization program.

“Tuloy na tuloy po ang transport strike. Kaya po tayo nag-iikot para dun sa mga preparasyon po natin dun sa mga strike centers po natin,” pahayag ni Manibela Chairman Mar Valbuena.

Nilinaw rin ni Valbuena na ang kanilang protesta ay hindi bilang pagtutol sa PUV modernization program.

“Ang panawagan natin ‘yung deadline ng consolidation, pabor po ako dyan pero dapat ‘yung mga hindi nakapag- consolidate ay i-extend pa rin ang aming provisional authority, mga prangkisa,” sabi pa ni Valbuena.

Aniya, hindi kayang bumili ng ilang  jeepney drivers at  operators ng modern jeepneys, na nagkakahalaga ng mahigit P2 million.

“‘Yung pagmo-modernize na kailangan natin hindi kailangang mahal, hindi kailangang i-phase out, puwede namang i-rehabilitate,” dagdag pa niya.

Hindi bababa sa  2,000 jeepney drivers at operators ang inaasahang lalahok sa  tigil-pasada.

Nauna nang naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng memorandum circular na nagkakansela sa permits ng PUVs na hindi nag-consolidate ng kanilang prangkisa sa Enero 1.

Ilang transport groups naman ang nagpahayag na hindi sila sasali sa tigil-pasada.

Kabilang sa mga ito ang Magnificent 7 na kinabibilangan ng Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Alliance of Concerned Transport Organizations, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines, Stop and Go Transport Coalition, at  Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas.

Ang PISTON ang ika-7 grupo ng Magnificent 7, na kumalas sa grupo noong Nobyembre.

Samantala, inihayag ng Traffic Management Authorities (TMA) na nakahanda sila  para alalayan ang mga mananakay at motorista sakaling palawigin pa ang tigil-pasada sa gitna ng holiday rush, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Tiniyak ni MMDA chair Atty. Romando Artes na may nakahandang inter-agency coordination sa mga lokal na pamahalaan para sa isa pang nationwide transport strike na ikinasa ng  PISTON at Manibela mula Disyembre 18 hanggang 29 para maibsan ang epekto nito sa mga mananakay.

Isa rin, aniya, sa mga hakbang para mapagaan ang epekto ng tigil-pasada ang pagbibigay ng libreng sakay sa mga lugar na na-monitor na apektado ng strike.

Ayon pa kay Artes, magpapakalat ang MMDA ng 2,000 traffic enforcers para sa Christmas rush.

EVELYN GARCIA